-
Notifications
You must be signed in to change notification settings - Fork 2
/
02 Marcos
678 lines (678 loc) · 101 KB
/
02 Marcos
1
2
3
4
5
6
7
8
9
10
11
12
13
14
15
16
17
18
19
20
21
22
23
24
25
26
27
28
29
30
31
32
33
34
35
36
37
38
39
40
41
42
43
44
45
46
47
48
49
50
51
52
53
54
55
56
57
58
59
60
61
62
63
64
65
66
67
68
69
70
71
72
73
74
75
76
77
78
79
80
81
82
83
84
85
86
87
88
89
90
91
92
93
94
95
96
97
98
99
100
101
102
103
104
105
106
107
108
109
110
111
112
113
114
115
116
117
118
119
120
121
122
123
124
125
126
127
128
129
130
131
132
133
134
135
136
137
138
139
140
141
142
143
144
145
146
147
148
149
150
151
152
153
154
155
156
157
158
159
160
161
162
163
164
165
166
167
168
169
170
171
172
173
174
175
176
177
178
179
180
181
182
183
184
185
186
187
188
189
190
191
192
193
194
195
196
197
198
199
200
201
202
203
204
205
206
207
208
209
210
211
212
213
214
215
216
217
218
219
220
221
222
223
224
225
226
227
228
229
230
231
232
233
234
235
236
237
238
239
240
241
242
243
244
245
246
247
248
249
250
251
252
253
254
255
256
257
258
259
260
261
262
263
264
265
266
267
268
269
270
271
272
273
274
275
276
277
278
279
280
281
282
283
284
285
286
287
288
289
290
291
292
293
294
295
296
297
298
299
300
301
302
303
304
305
306
307
308
309
310
311
312
313
314
315
316
317
318
319
320
321
322
323
324
325
326
327
328
329
330
331
332
333
334
335
336
337
338
339
340
341
342
343
344
345
346
347
348
349
350
351
352
353
354
355
356
357
358
359
360
361
362
363
364
365
366
367
368
369
370
371
372
373
374
375
376
377
378
379
380
381
382
383
384
385
386
387
388
389
390
391
392
393
394
395
396
397
398
399
400
401
402
403
404
405
406
407
408
409
410
411
412
413
414
415
416
417
418
419
420
421
422
423
424
425
426
427
428
429
430
431
432
433
434
435
436
437
438
439
440
441
442
443
444
445
446
447
448
449
450
451
452
453
454
455
456
457
458
459
460
461
462
463
464
465
466
467
468
469
470
471
472
473
474
475
476
477
478
479
480
481
482
483
484
485
486
487
488
489
490
491
492
493
494
495
496
497
498
499
500
501
502
503
504
505
506
507
508
509
510
511
512
513
514
515
516
517
518
519
520
521
522
523
524
525
526
527
528
529
530
531
532
533
534
535
536
537
538
539
540
541
542
543
544
545
546
547
548
549
550
551
552
553
554
555
556
557
558
559
560
561
562
563
564
565
566
567
568
569
570
571
572
573
574
575
576
577
578
579
580
581
582
583
584
585
586
587
588
589
590
591
592
593
594
595
596
597
598
599
600
601
602
603
604
605
606
607
608
609
610
611
612
613
614
615
616
617
618
619
620
621
622
623
624
625
626
627
628
629
630
631
632
633
634
635
636
637
638
639
640
641
642
643
644
645
646
647
648
649
650
651
652
653
654
655
656
657
658
659
660
661
662
663
664
665
666
667
668
669
670
671
672
673
674
675
676
677
678
[1:1] Umpisa ng Masayang Balita ni Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos.
[1:2] Ayon sa nasusulat sa aklat ng mga propeta, "Pagmasdan mo, ipinapadala Ko ang mensahero Ko sa unahan Mo na siyang maghahanda ng Iyong daraanan sa harapan Mo.
[1:3] Ang tinig ng isang sumisigaw sa gitna ng ilang, "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon! Gawin ninyong patag ang daanan Niya!"
[1:4] Dumating si Juan na naglulublob sa gitna ng ilang at ipinapangaral ang Lublob ng Pagbabalik-loob para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
[1:5] At nagpuntahan sa kanya ang buong lupain ng Judea at ng Jerusalem at nagpalublob silang lahat sa kanya sa gitna ng ilog Jordan habang inaamin ang mga kasalanan nila.
[1:6] At si Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo at nakasinturong balat sa baywang niya, at kumakain siya ng balang at pulut-pukyutan mula sa kalikasan.
[1:7] At sabi niya habang nangangaral siya, "Dumarating ang kasunod ko na Siyang mas makapangyarihan sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumuko sa Kanya para magkalag sa sintas ng mga sandalyas Niya.
[1:8] Ako nga'y naglublob sa inyo sa tubig: pero Siya ang maglulublob sa inyo sa Espiritu Santo."
[1:9] At nangyari sa mga araw na iyon na dumating si Jesus mula sa Nazareth sa Galilee, tapos ay nagpalublob Siya kay Juan sa gitna ng Jordan.
[1:10] At bigla na lang, pagkaahon mula sa tubig, nakita niyang nagbukas ang mga langit at ang Espiritu na parang kalapating bumababa sa Kanya.
[1:11] At may tinig na dumating mula sa kalangitan, "Ikaw ang Anak Kong pinakamamahal na Siyang nagbibigay ng kaligayahan sa Akin."
[1:12] At kaagad Siyang pinaalis ng Espiritu papunta sa ilang.
[1:13] At naroon Siyang tinutukso ni Satanas sa gitna ng ilang sa loob ng 40 araw. Kasama rin Niya ang mababangis na hayop, at ang mga anghel na naglingkod sa Kanya.
[1:14] Pero pagkatapos na maipagkanulo si Juan, nagpunta si Jesus sa gitna ng Galilee na nangangaral ng Masayang Balita ng Kaharian ng Diyos.
[1:15] at sinasabing, "Dumating na ang tinakdang panahon, at lumapit na ang Kaharian ng Diyos, magbalik-loob na kayo at manalig sa Masayang Balita!"
[1:16] Ngayon, habang naglalakad Siya sa tabing dagat ng Galilee, nakita Niya si Simon at si Andres na kapatid nito na naghahagis ng malaking lambat sa gitna ng dagat. Mangingisda kasi sila.
[1:17] At sinabi sa kanila ni Jesus, "Halikayo't sumunod sa Akin, at huhubugin Ko kayo para maging mangingisda ng mga tao."
[1:18] Kaya't agad nilang iniwan ang mga lambat nila at sumama sila sa Kanya.
[1:19] At pagkalakad nang kaunti mula roon, nakita Niya si Tyago, na anak ni Zebedeo at si Juan na kapatid nito. At nag-aayos sila ng mga lambat sa loob ng bangka.
[1:20] Pero bigla Niya silang tinawag. Pagkatapos iwan ang ama nilang si Zebedeo sa loob ng bangka kasama ang mga trabahador, umalis sila para sumunod sa Kanya.
[1:21] At pumasok sila sa loob ng Capernaum, at sa araw ng pamamahinga ay agad-agad Siyang pumasok sa loob ng simbahan para magturo.
[1:22] At namangha sila patungkol sa pagtuturo Niya, dahil nagtuturo Siya sa kanila na parang may awtoridad at di tulad ng mga dalubhasa sa Biblia.
[1:23] At mayroong tao sa loob ng simbahan nila na inaalihan ng maruming espiritu at siya'y sumigaw
[1:24] habang sinasabing, "Hah! Ano ang pakialam Mo sa amin, Jesus na Nazareno? Dumating Ka ba para tapusin na kami? Alam ko kung sino Ka. Ikaw ang Banal ng Diyos!"
[1:25] At sinaway siya ni Jesus sabay sabi, "Tumahimik ka at lumabas ka sa kanya!"
[1:26] At nang pahirapan siya ng espiritung marumi, at sumigaw ng pagkalakas-lakas, lumabas iyon mula sa kanya.
[1:27] Kaya't namangha silang lahat anupa't nagtanungan sila sa isa't isa. Sabi nila, "Ano kaya ito? Anung bagong katuruan ito? Dahil may awtoridad Niyang inuutusan maging ang mga maruruming espiritu at sumusunod sila sa Kanya!"
[1:28] At agad na kumalat ang balita tungkol sa Kanya sa lahat ng lugar na nakapaligid sa Galilee.
[1:29] Pero pagka-alis galing ng simbahan, agad silang tumuloy sa loob ng bahay ni Simon at Andres kasama si Tyago at Juan.
[1:30] Pero ang biyenang babae ni Simon ay nakaratay dahil sa lagnat, kaya't agad nilang sinabi sa Kanya ang patungkol dito.
[1:31] At nang makalapit ay hinawakan Niya ang kamay nito at ibinangon Niya ito; at agad na lumayas ang lagnat mula sa kanya, pagkatapos ay pinagsilbihan niya sila.
[1:32] At pagsapit ng dilim, sa paglubog ng araw, dinala nila sa Kanya ang lahat ng may sakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo.
[1:33] At ang buong lungsod ay nagkatipon sa harap ng pintuan.
[1:34] At pinagaling Niya ang maraming may karamdaman mula sa iba't ibang uri ng sakit, saka nagpalayas ng maraming demonyo, at di Niya hinayaang magsalita ang mga demonyo dahil kilala nila kung sino Siya.
[1:35] At kinaumagahan, sobrang dilim pa'y bumangon na Siya, lumabas at nagpunta sa liblib na lugar, at doo'y nanalangin.
[1:36] At sinundan Siya ni Simon at ng mga kasamahan Niya.
[1:37] Kaya't nang matagpuan Siya ay sinabi nila sa Kanyang, "Hinahanap po Kayo ng lahat ng tao."
[1:38] At sinabi Niya sa kanila, "Pumunta tayo sa mga katabing bayan para makapangaral rin Ako doon, dahil ito ang layunin ng Aking pagdating."
[1:39] At Siya'y nangaral sa loob ng mga simbahan nila sa buong Galilee, at nagpalayas ng mga demonyo.
[1:40] Tapos ay may ketonging lumapit sa Kanya, at nagmamakaawa ring niluhuran Siya, sabay sinabi sa Kanyang, "Kung gugustuhin Niyo po, kaya Niyo po akong linisin."
[1:41] Pero naantig ang damdamin ni Jesus. Pag-unat ng kamay Niya ay hinawakan siya, sabay sabi sa kanya, "Gusto Ko. Maging malinis ka."
[1:42] At pagkasabi Niya nito, agad na umalis sa kanya ang ketong at nalinis siya.
[1:43] At matapos itong pagsabihan, agad Niya itong pinaalis
[1:44] at sinabi Niya rito, "Siguraduhin mong walang-wala kang pagsasabihan: kundi lumakad ka, ipakita mo ang sarili mo sa pari at maghandog ka para sa paglilinis mo ayon sa inutos ni Moises bilang testimoniya sa kanila."
[1:45] Pero nang makaalis ay sinimulan nitong iproklama ng todo-todo at ipagkalat ang bagay na ito, anupa't hindi na Niya nakayanan pang lantarang makapasok sa loob ng lungsod, kundi sa labas, sa mga liblib na lugar na lang Siya naroon. At nagpupuntahan pa rin sila sa Kanya mula sa iba't ibang lugar.
[2:1] At muli Siyang pumasok sa Capernaum makalipas ang ilang araw at may nakatunog na nasa isang bahay Siya roon.
[2:2] At bigla na lang dumagsa ang napakaraming tao anupa't wala nang bakanteng lugar maski na sa labas ng pintuan. At ipinahayag Niya ang Salita sa kanila.
[2:3] At may mga nagpunta sa Kanya na may bitbit na isang paralitiko na kinakarga ng apat na katao.
[2:4] At nang hindi nila kinayang lumapit sa Kanya dahil sa dami ng tao, tinanggal nila ang bubungan ng kinaroroonan Niya. Matapos makapasok ay ibinaba nila ang higaan kung saan nakaratay ang paralitiko.
[2:5] At nang makita ni Jesus ang pananalig nila, sinabi Niya sa paralitiko, "Anak, pinatawad na sa iyo ang mga kasalanan mo."
[2:6] Pero may ilang mga dalubhasa sa Biblia ang nakaupo doon na nangangatuwiran. Sa loob-loob nila,
[2:7] "Bakit ganyan na lang ito magsalita ng kalapastanganan sa Diyos? Sino ba ang may kakayanang magpatawad ng mga kasalanan? Walang iba kung hindi ang Diyos!"
[2:8] At agad na nalaman ni Jesus sa Kanyang espiritu na ganito ang kanilang pangangatuwiran sa loob ng puso nila. Sinabi Niya sa kanila, "Bakit kayo nangangatuwiran ng ganito sa loob ng mga puso niyo?
[2:9] Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko, 'Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,' o ang sabihin, 'Bumangon ka at kunin mo ang iyong higaan, tapos ay lumakad ka?'
[2:10] Pero para malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan." Sinabi Niya sa paralitiko,
[2:11] "Sinasabi Ko sa iyo, bumangon ka, at kunin mo ang iyong higaan tapos ay umuwi ka na sa pamilya mo."
[2:12] At agad siyang bumangon, tapos, pagkakuha sa higaan, ay sumibat na siya sa harapan ng lahat. Kaya naman, silang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos na nagsasabing, "Wala pa tayong nakitang tulad nito!"
[2:13] Pagkatapos ay nagpunta Siyang muli sa tabing dagat at lumapit sa Kanya ang lahat ng tao, at tinuruan Niya sila.
[2:14] At habang Siya'y naglalakad, nakita Niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo katapat ng bayaran ng mga buwis. At sinabi Niya sa kanya, "Sumama ka sa Akin." At pagtayo niya roon ay sumama siya sa Kanya.
[2:15] At nangyari, nang Siya'y makasalong kumain sa loob ng bahay niya, marami ring kolektor ng buwis at mga makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa mga alagad Niya dahil marami-rami sila at sumama sila sa Kanya.
[2:16] At nang makita Siya ng mga dalubhasa sa Biblia at ng mga Pariseo na kumakain kasama ng mga kolektor ng buwis at ng mga makasalanan, sinabi nila sa Kanyang mga alagad, "Bakit Siya kumakain at umiinom na kasama ang mga kolektor ng buwis at mga makasalanan?"
[2:17] Kaya't nang marinig ito ni Jesus, sinabi Niya sa kanila, "Walang pangangailangan ang malulusog para sa manggagamot, kundi ang mga may sakit lang. Dumating Ako di para tawagin ang matutuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabago."
[2:18] At kinaugalian na ng mga alagad ni Juan at niyong sa mga Pariseo na mag-ayuno; kaya't pumunta sila at sinabi sa Kanya, "Ano ang dahilan bakit ang mga alagad ni Juan at ang sa mga Pariseo ay nag-aayuno pero ang Iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?"
[2:19] At sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi magagawang mag-ayuno ng mga kaibigan ng lalaking ikakasal hangga't ang lalaking ikakasal ay kasama nila. Hindi nila magagawang mag-ayuno habang kasama nila ang lalaking ikakasal.
[2:20] Pero darating ang panahon na kukunin mula sa kanila ang lalaking ikakasal, at doon pa lang sila mag-aayuno sa panahong iyon.
[2:21] Ganoon din naman, walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil kung hindi ay pupunitin ng bago ang lumang pinagtagpian nito, at magkakaroon ng mas malalang sira.
[2:22] At walang naglalagay ng sariwang katas ng ubas sa loob ng mga lumang lalagyang-balat, dahil kung hindi ay palolobohin ng sariwang katas ng ubas ang mga lalagyang-balat, pagkatapos ay matatapon ang katas ng ubas at masisira ang lalagyang-balat. Sa halip, dapat ilagay ang sariwang katas ng ubas sa loob ng mga bagong lalagyang-balat."
[2:23] At dumating ang panahon na dumaan Siya sa gitna ng triguhan sa Araw ng Pamamahinga. At habang hinahawi nila ang daraanan, nagsimulang mamitas ng mga butil ng trigo ang Kanyang mga alagad.
[2:24] Kaya't pinagsabihan Siya ng mga Pariseo, "Pagmasdan Mo, bakit ginagawa nila ang hindi naaayon sa Batas sa Araw ng Pamamahinga?"
[2:25] Pero sinabi Niya sa kanila, "Hindi ba ninyo kailanman nabasa ang ginawa ni David nang siya'y nagkaroon ng pangangailangan at siya'y nagutom, siya pati na ang mga kasamahan niya?
[2:26] Kung paanong pumasok siya sa loob ng tahanan ng Diyos sa panahon ni Abiatar na pangulo ng kaparian at kumain ng handog na tinapay na hindi legal na ipakain maliban sa mga pari? At nagbigay pa siya sa mga kasama niya?"
[2:27] Tapos ay sinabi Niya sa kanila, "Ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa para sa tao, hindi ang tao para sa Araw ng Pamamahinga.
[2:28] Kaya naman ang Anak ng Tao ay Panginoon din ng Araw ng Pamamahinga."
[3:1] At pumasok Siyang muli sa loob ng simbahan at mayroon doong isang lalaking paralisado ang isang kamay.
[3:2] At inaabangan nila Siya kung pagagalingin Niya ang lalake sa Araw ng Pamamahinga, para maidiin nila Siya.
[3:3] Kaya't sinabi Niya sa taong paralisado ang isang kamay, "Tumayo ka malapit sa gitna."
[3:4] Tapos ay sinabi Niya sa kanila, "Legal ba na gumawa ng mabuti, o gumawa ng masama sa mga Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng kaluluwa o ang pumatay?" Pero tahimik lang sila.
[3:5] At pagalit Siyang tumingin sa kanila, dismayado dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi Niya sa lalaki, "Iunat mo ang kamay mo." Kaya't inunat niya ito, at ang kamay niya ay nagbalik sa maayos na kundisyon gaya ng sa kabila.
[3:6] At pag-alis ng mga Pariseo, agad silang nagpulong laban sa Kanya, kasama ang mga kampon ni Herodes, para alamin kung paano nila Siya pababagsakin.
[3:7] Pero umalis si Jesus papunta sa dagat kasama ang mga alagad Niya. At sumunod sa Kanya ang napakaraming tao mula sa Galilee, at mula sa Judea,
[3:8] pati na ang mula sa Jerusalem, at mula sa Idumaea, at sa mga lugar pagtawid ng Jordan, at sa paligid ng Tyre at Sidon. Dumagsa sa Kanya ang sangkatutak na tao nang mabalitaan nila ang mga dakilang bagay na Kanyang ginagawa.
[3:9] At nagsabi Siya sa Kanyang mga alagad na maghanda ng maliit na bangka sa Kanya dahil sa dami ng tao, para di nila Siya maipit.
[3:10] Dahil nagpagaling Siya ng marami, dinudumog ngayon Siya ng lahat nang may karamdaman sa pagbabakasakaling mahawakan nila Siya.
[3:11] At ang maruruming espiritu ay dumadapa sa harap Niya kapag nakita Siya. At sumisigaw sila habang sinasabing, "Ikaw ang Anak ng Diyos!"
[3:12] Pero maraming beses Niya silang pinagsabihan na huwag nila Siyang ipakilala.
[3:13] Pagkatapos nito, umakyat Siya sa gitna ng bundok at tinawag Niya silang mga nagustuhan Niya at nagpunta sila sa tabi Niya.
[3:14] Pagkatapos ay pumili Siya ng 12, para makasama Niya ang mga ito, at para maipadala Niya ang mga itong mangaral,
[3:15] at magkaroon ng kapangyarihang magpagaling ng mga karamdaman, at magpalayas ng mga demonyo:
[3:16] At idinagdag Niya kay Simon ang pangalang Pedro,
[3:17] Sumunod si Tyago na anak ni Zebedeo at si Juan na kapatid ni Tyago; at idinagdag Niya sa kanila ang pangalang Boanergo, ibig sabihin ay, "Mga anak ng kulog,"
[3:18] Sumunod ay si Andres, at saka si Felipe, at Bartolome; tapos ay si Mateo, at si Tomas, at si Tyago na anak ni Alfeo; sumunod ay si Tadeo, at si Simong masigasig,
[3:19] at saka si Judas Iskariote, na nagtaksil rin sa Kanya. Pagkatapos nito ay pumunta sila sa isang bahay.
[3:20] At nagdatingan muli ang sangkatutak tao, anupa't di na nila magawa kahit man lang makasubo ng tinapay.
[3:21] At nang malaman ito ng mga malapit sa Kanya, nagpunta sila para kunin Siya, dahil may mga nagsabing, "Wala na Siya sa katinuan."
[3:22] At may mga dalubhasa sa Biblia na bumaba roon mula sa Jerusalem. Sinabi nila na sinasapian Siya ni Beelzebub dahil sa pamamagitan rin ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo.
[3:23] At nang palapitin Niya ang mga ito, nagsalita Siya sa kanila gamit ang ilang talinghaga, "Paano magagawang palayasin ni Satanas si Satanas?
[3:24] At kung may kaharian na nahati laban sa sarili nito, hindi magagawa ng kahariang ito na manatili.
[3:25] Ngayon, kung ang isang pamilya ay magkawatak-watak laban sa isa't isa, hindi magagawang tumagal ng pamilyang iyon.
[3:26] At kung si Satanas ay magrebelde laban sa kanyang sarili, at siya'y magkawatak-watak, di niya magagawang magtagal, kundi ay dumating na ang kanyang katapusan.
[3:27] Hindi magagawa ng kahit sino na samsamin ang mga ari-arian ng isang malakas na tao kung hindi muna siya papasok sa loob ng bahay nito para maigapos niya ang malakas na tao. At sa puntong iyon pa lang niya mapagnanakawan ang bahay nito.
[3:28] Sinasabi ko sa inyo ang totoo, na lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao at gaano mang karaming panlalapastangan sa Diyos ang kanilang ginagawa ay patatawarin,
[3:29] pero ang sinumang magsalita ng kalapastanganan laban sa Espiritu Santo ay di kailanman magkakaroon ng kapatawaran, kundi ay masasailalim siya sa walang hanggang kaparusahan."
[3:30] Sinabi kasi nila, "Mayroon Siyang maruming espiritu."
[3:31] Dumating naman ang mga kapatid at ang nanay Niya, at habang nakatayo sa labas ay nagbilin sila tungkol sa Kanya para tawagin Siya.
[3:32] At nakaupo ang sangkaterbang tao sa palibot Niya, at sinabi nila sa Kanya, "Tignan Niyo po, ang nanay Niyo at ang mga kapatid Niyo ay hinahanap po Kayo sa labas."
[3:33] At pagsagot Niya ay sinabi sa kanila, "Sino ba ang nanay Ko o ang mga kapatid Ko?"
[3:34] At pagtingin sa paligid, sa mga nakaupo sa palibot Niya, ay sinabi Niya, "Pagmasdan niyo, ang nanay Ko at ang mga kapatid Ko!
[3:35] Dahil ang sinumang gumagawa ng kagustuhan ng Diyos ay siya Kong kapatid na lalaki, at Aking kapatid na babae, at saka ina."
[4:1] At nagsimula uli Siyang magturo sa tabing dagat, at doo'y nagkatipon para sa Kanya ang napakaraming tao, kaya't sumakay Siya sa isang bangka habang ito ay nakalutang sa dagat. Samantala, lahat ng tao ay nasa ibabaw ng dalampasigan sa tabing dagat.
[4:2] Kaya't tinuruan Niya sila ng maraming bagay gamit ang mga talinghaga, at sinabi Niya sa kanila habang Siya'y nagtuturo,
[4:3] "Makinig at tignan niyo ito. Umalis ang nagtatanim para magtanim.
[4:4] At nangyari, habang naghahasik siya ng binhi na may nalaglag sa tabing daan, at ang mga ibon sa himpapawid ay dumating at kinain ito.
[4:5] May isa namang nahulog sa ibabaw ng mabatong lugar kung saan walang masyadong lupa. At mabilis itong tumubo dahil sa walang lalim ang lupa:
[4:6] Pero nang tumindi ang sikat ng araw, ito'y natuyo, at dahil sa kawalan ng ugat, ito'y nalanta.
[4:7] May isa ring nalaglag sa gitna ng dawagan pero tumubo ang mga tinik at sinakal nila ito, kaya't hindi ito nagbigay bunga.
[4:8] Mayroon ding nalaglag sa gitna ng matabang lupa. At ito'y nagbibigay bunga, lumalaki at dumadami. At may isang nagbunga ng 30, may isa naman 60, at may isang 100."
[4:9] At sinabi Niya sa kanila, "Ang may mga tayngang handang makinig, hayaan siyang makinig."
[4:10] At nang Siya'y mag-isa na lang, sila na nakapalibot sa Kanya kasama ng Labindalawa, ay nagtanong sa Kanya tungkol sa talinghaga.
[4:11] At sinabi Niya sa kanila, "Sa inyo ipinagkaloob na maunawaan ang hiwaga ng Kaharian ng Diyos, pero sa kanilang mga taga labas, ang lahat ay ibinibigay sa pamamagitan ng mga talinghaga,
[4:12] upang sa kakatingin ay makita nila pero di maintindihan at sa kakapakinig ay marinig nila pero di maunawaan; kung hindi ay baka sakaling magbalik-loob sila at mapatawad sa kanilang mga kasalanan."
[4:13] Tapos ay sinabi Niya sa kanila, "Hindi niyo ba naintindihan ang talinghagang ito? Paano pa ninyo maiintindihan ang lahat ng mga talinghaga?
[4:14] Ang itinatanim ng nagtatanim ay ang Salita.
[4:15] At ganito yung mga nasa tabing daan kung saan inihasik ang Salita, na matapos silang makapakinig ay biglang dumarating si Satanas at kinukuha niya ang Salita na naitanim sa loob ng kanilang mga puso.
[4:16] At ganito naman yung mga naihasik sa ibabaw ng mabatong lugar; na matapos nilang makapakinig ng Salita, ay agad nila itong tinatanggap nang may tuwa;
[4:17] pero walang ugat sa kalooban nila, kaya naman pansamantala lang ang mga ito. Kaya't pagdating ng problema o pag-uusig dahil sa Salita, bigla silang bumabaliktad.
[4:18] At ganito naman ang mga naitatanim sa gitna ng dawagan: ang mga ito ay silang mga nakikinig ng Salita,
[4:19] pero ang mga alalahanin ng panahong ito at ang pandaraya ng kayamanan, pati ang pagkahumaling tungkol sa ibang mga bagay, kapag pumasok na ay sumasakal sa Salita. Kaya naman ito'y di nagiging mabunga.
[4:20] At ganito naman ang mga naitanim sa ibabaw ng matabang lupa: sila iyong nakikinig ng Katuruan, at silang tumatanggap, kaya't nagbubunga sila: ang isa ay 30, may isa namang 60, at may isang 100."
[4:21] At sinabi Niya sa kanila, "Ang kandila ba ay dinadala para ilagay ito sa ilalaim ng timba o sa ilalim ng higaan? Di ba dapat ilagay ito sa ibabaw ng ilawan?
[4:22] Dahil walang bagay na nakatago, maliban sa bagay na dapat malaman ng lahat, at wala ring ginawang lihim kundi para ito'y maipakita sa liwanag.
[4:23] Kung sinuman ay may mga tayngang handang makinig, hayaan siyang makinig."
[4:24] At sinabi Niya sa kanila, "Pag-isipan ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang sukatang ipinangsusukat ninyo ang ipangsusukat sa inyo. At magbibigay pa sa inyong mga nakikinig.
[4:25] Dahil ang sinumang mayroon, siya ay pagbibigyan pa: pero ang wala, kukunin pa mula sa kanya kahit ang bagay na mayroon siya."
[4:26] At sinabi pa Niya, "Ganoon din naman ang Kaharian ng Diyos. Parehas lang kung ang isang tao ay nagtanim ng binhi sa ibabaw ng lupa,
[4:27] tapos matutulog siya, sabay babangon sa gabi at sa araw. Pero ang binhi ay sumisibol at lumalago nang hindi niya alam kung paano.
[4:28] Dahil ang lupa ay may angking kakayanan na magpabunga; una, ang dahon, tapos ang uhay, at pagkatapos ang buong butil sa loob ng uhay.
[4:29] At kapag lumabas na ang bunga, ipinapadala na niya agad ang panggapas dahil dumating na ang anihan."
[4:30] At sinabi pa Niya, "Saan pa kaya natin maihahalintulad ang Kaharian ng Diyos? O sa anong talinghaga natin ito maikukumpara?
[4:31] Para itong butil ng mustasa na kapag naitanim na sa ibabaw ng lupa, kahit na ito ang pinakamaliit sa lahat ng binhi sa ibabaw ng daigdig,
[4:32] pero kapag ito'y naitanim, lumalago ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng mga halamang gulay. Tapos, naglalabas ito ng malalaking sanga anupa't nagagawa ng mga ibon sa himpapawid na mamugad sa ilalim ng mga sanga nito."
[4:33] At marami pang talinghagang tulad nito ang ginamit Niya sa pagbabahagi ng Salita sa kanila, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa.
[4:34] Pero di Siya nagsasalita sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga: at pag sila-sila na lang ay ipinapaliwanag Niya ang lahat sa Kanyang mga alagad.
[4:35] At nang araw na iyon, pagsapit ng gabi, sinabi Niya sa kanila, "Tumawid tayo papunta sa kabilang ibayo."
[4:36] At pagkatapos nilang pauwiin ang mga tao, dinala nila Siya sakay ng bangka at may iba pa ring maliliit na bangka na kasama Niya.
[4:37] Pero may dumating na bagyo na may kasamang malakas na hangin. At ang mga alon ay humahampas papunta sa bangka anupa't napupuno na ito ng tubig.
[4:38] Samantala, Siya'y nakahilig sa unan at natutulog sa hulihang bahagi ng bangka. Kaya't ginising nila Siya habang sinasabi sa Kanya, "Guro, wala ba Kayong pakialam na mapahamak tayo?"
[4:39] At pagkabangon ay sinaway Niya ang hangin at sinabi Niya sa dagat, "Manahimik ka, tigil!" Kaya't tumigil ang ihip ng hangin, at nagkaroon ng matinding katahimikan.
[4:40] At sinabi Niya sa kanila, "Bakit ganyan na lang ang takot niyo? Paano nangyari na wala kayong pananalig?"
[4:41] Pero natakot sila nang matinding pagkatakot. Kaya't nasabi nila sa isa't isa, "Ano bang klaseng tao ito na kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa Kanya!"
[5:1] At dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa loob ng lalawigan ng mga Gadareno.
[5:2] At pagkababa Niya mula sa bangka, bigla Siyang sinalubong ng isang lalaki mula sa sementeryo na may maruming espiritu.
[5:3] Sa loob ng sementeryo ito nakatira, at walang sinuman ang may kakayahang igapos ito kahit kadena pa ang gamitin.
[5:4] Dahil madalas na siyang gapusin ng kadena sa katawan at paa, pero napuputol niya ang mga kadena at nababali niya ang mga bakal sa paanan niya. Wala ding may kakayahang paamuhin siya.
[5:5] At lagi na lang siyang sumisigaw, sa gabi at araw, sa gitna ng kabundukan at sa loob ng sementeryo, at hinihiwa niya ang sarili gamit ang mga bato.
[5:6] Pero malayo pa lang nang makita nito si Jesus ay tumakbo na ito papalapit, at sinamba Siya nito.
[5:7] At sumigaw ito nang may malakas na tinig habang sinasabi, "Anung kinalaman ko sa Iyo, Jesus, Anak ng kataas-taasang Diyos? Sumumpa Ka sa Diyos na hindi Mo ako pahihirapan!"
[5:8] Sinabi Niya kasi rito, "Ikaw na maruming espiritu, lumabas ka sa taong ito!"
[5:9] At tinanong Niya ito, "Ano ang pangalan mo?" At nang sumagot ay sinabi nito, "Lehiyon ang pangalan ko. Marami kasi kami."
[5:10] At nagmakaawa ito sa Kanya nang husto na huwag silang palayasin palabas ng lalawigan.
[5:11] Ngayon, mayroon doong isang malaking kawan ng mga baboy na nagkakainan sa tabi ng kabundukan.
[5:12] At nagmakaawa sa Kanya ang lahat ng mga demonyo habang sinasabi, "Papuntahin Niyo na lang po kami doon sa mga baboy para makapasok kami sa loob nila."
[5:13] At agad naman silang pinahintulutan ni Jesus. Kaya't paglabas ng mga maruruming espiritu, pumasok sila sa loob ng mga baboy at ang kawan ay nagwawalang tumakbo pababa ng bangin papunta sa dagat, at ang mga ito ay aabot sa 2,000 ang bilang. Kaya't nalunod ang mga ito sa gitna ng dagat.
[5:14] Pero tumakbo ang mga nag-aalaga ng mga baboy at ipinamalita ito sa loob ng lungsod at sa loob ng lalawigan. At naglabasan sila para tignan kung ano ba itong nangyari.
[5:15] Kaya't nagpuntahan sila palapit kay Jesus at nakita nila ang dating sinasapian ng mga demonyo at iyong inalihan ni Lehiyon na nakaupo, saka nakadamit at nasa tamang katinuan. At natakot sila.
[5:16] At ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa inalihan ng mga demonyo at ang patungkol sa mga baboy.
[5:17] At nagsimula silang pakiusapan Siya na umalis na lang mula sa lugar nila.
[5:18] At pagkasakay Niya sa loob ng bangka, nakiusap sa Kanya ang inalihan ng mga demonyo na kung pwedeng sumama sa Kanya.
[5:19] Pero di siya pinayagan ni Jesus sa halip ay sinabi sa kanya, "Umuwi ka papunta sa bahay mo, papunta sa sarili mong kaanak, at ibalita mo sa kanila kung gaano katindi ang ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paano ka Niya kinahabagan."
[5:20] Umalis nga siya at nagsimulang ipagkalat sa loob ng Sampumbayan kung gaano katindi ang ginawa ni Jesus para sa kanya, at namangha silang lahat.
[5:21] At pagkatawid muli ni Jesus papunta sa kabilang ibayo sakay ng bangka, dumagsa sa Kanya ang napakaraming tao habang Siya ay nasa tabing-dagat.
[5:22] At kapansin-pansin na may dumarating na isang opisyal ng simbahan na nagngangalang Jairo. Pero pagkakita sa Kanya ay dumapa ito sa harap ng paanan Niya,
[5:23] at nagmakaawa ito sa Kanya nang todo habang sinasabi na, "Ang aking munting anak na babae ay agaw-buhay na po. Pakiusap ko po sana na kung mapupuntahan Niyo ay malapatan siya ng mga kamay nang sa ganun ay mailigtas siya, at mabuhay pa po siya!"
[5:24] Kaya't sumama Siya sa kanya. Pero sumunod sa Kanya ang napakaraming tao at nagsiksikan sila sa paligid Niya.
[5:25] Tapos may isang babae na 12 taon nang dinurugo
[5:26] na dumanas ng maraming hirap sa ilalim ng maraming doktor, anupa't naubos nang lahat ang kanyang kabuhayan. Sa kabila nito, wala siyang napakinabangan, sa halip ay nalagay pa siya sa mas malalang katayuan.
[5:27] Nang marinig ang tungkol kay Jesus, nagpunta siya sa gitna ng napakaraming tao sa likuran at hinipo ang damit Niya.
[5:28] Nagsabi siya kasi na, "Kung mahawakan ko lang ang mga damit Niya, gagaling ako."
[5:29] At biglang tumigil ang tagas ng dugo niya at naramdaman niya sa kanyang katawan na magaling na siya mula sa salot.
[5:30] At nalaman agad ni Jesus sa sarili na may lumabas na kapangyarihan mula sa Kanya. Paglingon sa mga tao ay sinabi Niya, "Sino ang humipo sa mga damit Ko?"
[5:31] Kaya't sinabi sa Kanya ng mga alagad Niya, "Nakikita Niyo po na sangkaterbang tao ang nagsisiksikan sa palibot Niyo pero sinasabi Niyo, 'Sino ang humipo sa Akin?'"
[5:32] At tumingin Siya sa paligid para makita kung sino ang may gawa nito.
[5:33] Pero, nang malaman ang nangyari sa kanya, takot at nanginginig na lumapit ang babae at dumapa ito sa harapan Niya, saka sinabi sa Kanya ang buong katotohanan.
[5:34] At sinabi Niya sa kanya, "Anak, ang pananalig mo ang nagpagaling sa iyo. Umuwi ka nang mapayapa at maging magaling ka na mula sa hagupit na dinanas mo."
[5:35] Habang nagsasalita pa Siya ay may dumating na galing sa bahay ng opisyal ng simbahan na nagsabing, "Namatay na po ang babaing anak ninyo. Bakit niyo pa po inaabala ang Guro?"
[5:36] Pero nang marinig ni Jesus ang nasabing mensahe, agad na sinabi Niya sa opisyal ng simbahan, "Huwag kang matakot. Magtiwala ka lang."
[5:37] At di Niya hinayaan ang sinuman na sumama sa Kanya maliban kay Pedro, at Tyago at saka si Juan na kapatid ni Tyago.
[5:38] Kaya't nagpunta Siya sa loob ng bahay ng opisyal ng simbahan at nakita Niya ang kaguluhan: ang mga iyakan at malakas na hagulgulan.
[5:39] At nang makapasok na ay sinabi Niya sa kanila, "Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lang."
[5:40] At pinagtawanan nila Siya. Pero nang mapalabas ang lahat, sinama Niya ang ama at ang ina ng bata, at ang mga kasamahan Niya at pumasok sila sa lugar kung saan nakahiga iyong bata.
[5:41] At nang hawakan ang kamay ng bata, sinabi Niya rito, "Talita kumi!" Ang ibig sabihi'y, "Ineng, sinasabi Ko sa iyo, bumangon ka!"
[5:42] At biglang bumangon ang dalagita at naglakad dahil siya'y 12 taon na. At sila'y nawindang sa sobrang pagkamangha.
[5:43] At mahigpit Niya silang sinabihan na walang dapat makaalam nito. Tapos, sinabi Niyang bigyan siya ng makakain.
[6:1] Kaya't umalis Siya roon at umuwi sa loob ng bayan Niya; at sumama sa Kanya ang mga alagad Niya.
[6:2] Tapos, pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagsimula Siyang magturo sa loob ng simbahan at maraming nakikinig ang namangha. Sinabi nila, "Saan nakuha ng taong ito ang mga bagay na ito? At anong klaseng karunungan ang ipinagkaloob sa Kanya, na kahit pa ang mga makapangyarihang bagay tulad nito ay nagaganap sa pamamagitan ng Kanyang mga kamay?
[6:3] Hindi ba ito iyong karpintero na anak ni Maria, at kapatid ni Tyago, at ni Jose, pati ni Judas at ni Simon? Di ba't kasama rin natin dito ang mga kapatid Niyang babae?" At natisod sila dahil sa Kanya.
[6:4] At sinabi ni Jesus sa kanila na ang isang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa loob ng bayan niya, pati sa kalagitnaan ng mga kamag-anak at sa loob ng pamilya niya.
[6:5] Kaya't hindi Niya kinayang gumawa roon ng anumang gawang makapangyarihan, maliban sa maglapat ng mga kamay sa iilang may sakit para pagalingin sila.
[6:6] At Siya'y namangha dahil sa pag-aalinlangan nila. Tapos ay lumibot Siya paikot sa mga baranggay sa Kanyang pagtuturo.
[6:7] At tinawag Niya ang Labindalawa at nagsimulang ipadala sila nang dala-dalawa. Binigyan Niya rin sila ng kapangyarihang pasunurin ang mga marururming espiritu,
[6:8] at inutusan Niya silang huwag magdala ng anumang bagay sa paglalakbay, maliban lang sa isang tungkod - wala kahit bag, ni tinapay o barya sa loob ng sinturon.
[6:9] Sa halip ay magsuot ng sandalyas at huwag magsuot ng dobleng damit.
[6:10] Sinabi pa Niya sa kanila, "Pagpasok niyo sa bahay, kahit saan mang lugar, doon kayo manatili hanggang sa umalis kayo sa lugar na iyon.
[6:11] At sa sinumang di tatanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyo, pag-alis niyo roon, ipagpag niyo ang alikabok sa ilalim ng mga paa ninyo bilang testimonya sa kanila. Sinasabi Ko sa inyo ang totoo, magiging mas madali pang pagbigyan ang Sodom o ang Gomorrha sa araw ng paghuhukom kaysa sa lungsod na iyon."
[6:12] At pagka alis ay nagpahayag sila para ang mga tao ay magbalik-loob.
[6:13] At nagpalayas sila ng maraming demonyo, at pinahiran ng langis ng olibo ang maraming may sakit, at pinagaling sila.
[6:14] Ngayon, narinig ito ni haring Herodes, dahil naging kilala na ang pangalan Niya. At sinabi nitong, "Si Juan na Tagalublob ay bumangon mula sa mga patay, at dahil dito ay kumikilos na sa Kanya ang kapangyarihang maghimala."
[6:15] Sabi naman ng iba na Siya si Elias; pero sinabi ng iba na Siya'y isang propeta o katulad ng isa sa mga propeta.
[6:16] Pero nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niyang, "Siya ay si Juan na pinugutan ko ng ulo. Nagbangon siya mula sa mga patay!"
[6:17] Dahil si Herodes mismo ang nag-utos na arestuhin si Juan at igapos siya sa loob ng bilangguan alang-alang kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan niya kasi yung babae.
[6:18] Sinabihan kasi ni Juan si Herodes na, "Hindi legal na mapasayo ang asawa ng kapatid mo."
[6:19] Pero umalma si Herodias laban sa kanya at tinangka siyang patayin, pero hindi niya ito nagawa.
[6:20] Malaki kasi ang respeto ni Herodes kay Juan at alam nito na isa siyang matuwid at banal na tao kaya't sinisikap nitong protektahan siya. At kapag nakikinig ito sa kanya, sinusunod nito ang karamihan at magiliw itong nakikinig sa kanya.
[6:21] At dumating ang araw na pinakahihintay nang maghanda ng hapunan si Herodes sa kanyang kaarawan para sa kanyang mga matataas na opisyal, at sa mga heneral at sa mga importanteng tao sa Galilee.
[6:22] Pumasok rin ang babaing anak ng nasabing Herodias. At nang sumayaw at nagbigay tuwa kay Herodes ganun din sa mga nakaupong panauhin, sinabi ng hari sa batang babae, "Humiling ka sa akin ng anumang gusto mo at ibibigay ko sa iyo!"
[6:23] At sumumpa pa ito sa kanyang, "Anumang hilingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, hanggang sa kalahati ng kaharian ko!"
[6:24] Pero nang makaalis ay sinabi niya sa kanyang ina, "Ano po ang hihilingin ko?" At ang sabi nito, "Ang ulo ni Juan na Tagalublob."
[6:25] At agad siyang umalis nang may pagmamadali papunta sa hari. Paghiling nito ay sinabi, "Gusto ko po na ibigay niyo sa akin ngayon sa ibabaw ng pinggan ang ulo ni Juan na Tagalublob."
[6:26] At sobra itong ikinalungkot ng hari. Dahil sa mga binitiwang pangako at sa mga panauhin, ayaw niya itong tanggihan.
[6:27] At agad nagpatawag ang hari ng sundalo at inutusang dalhin ang ulo niya. At pag-alis nito, siya ay pinugutan nito sa loob ng bilangguan,
[6:28] tapos, inilagay nito ang ulo niya sa ibabaw ng pinggan at binigay ito sa batang babae. Ibinigay naman ito ng batang babae sa kanyang ina.
[6:29] At nang mabalitaan ito ng mga alagad niya, pinuntahan nila at kinuha ang bangkay niya at inilagay ito sa loob ng libingan.
[6:30] At nagsama-sama ang mga mensahero sa harapan ni Jesus, tapos ay isinalaysay nila sa Kanya ang lahat ng mga ginawa nila, pati rin ang lahat ng mga itinuro nila.
[6:31] At sinabi Niya sa kanila, "Halikayo, pumunta tayo sa liblib na lugar, tayo-tayo lang, at magpahinga kayo sandali." Marami kasing tao na paroo't parito kaya't wala na silang pagkakataon na kumain.
[6:32] Kaya't umalis sila papunta sa liblib na lugar sakay ng bangka na sila-sila lang.
[6:33] At nang makita silang paalis ng mga tao, marami ring nakakilala sa Kanya. Kaya't nagtakbuhan doon ang mga ito mula sa lahat ng mga lungsod at nauna pa sa kanilang dumating. At nagkatipon sila sa harapan Niya.
[6:34] Tapos, pagdating ni Jesus, nakita Niya ang napakaraming tao at naantig ang Kanyang damdamin para sa kanila, dahil mukha silang mga tupang walang pastor. At sinimulan Niyang turuan sila ng maraming bagay.
[6:35] At nang makalipas na ang maraming oras, lumapit sa Kanya ang Kanyang mga alagad sabay sinabing, "Ito ay liblib na lugar at gumagabi na po.
[6:36] Paalisin Niyo na po sila para makapunta sa loob ng mga lalawigan sa paligid, at mga baranggay para makabili sila ng mga tinapay para sa sarili nila dahil wala po silang anumang makakain.
[6:37] Pero nang sumagot ay sinabi Niya sa kanila, "Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain." At sinabi nila sa Kanya, "Lalakad po ba kami para bumili ng 200 denaryong halaga ng tinapay at ibigay namin sa kanila para makakain?"
[6:38] Pero ang sabi Niya sa kanila, "Gaano ba karaming tinapay ang mayroon kayo? Umalis kayo at alamin niyo." At nang malaman ay sinabi nila, "Lima po, at dalawang isda."
[6:39] At inutusan Niya silang paupuin ang lahat magkaka-grupo sa ibabaw ng berdeng damuhan.
[6:40] At naupo sila nang magkakahile-hilera: may tig-100 at may tig-50.
[6:41] At pagkuha sa limang tinapay at sa dalawang isda, tumingala Siya sa langit, pinagpala niya at pinagpira-piraso ang mga tinapay, sabay ibinigay sa mga alagad Niya para ihain nila sa mga tao. Pinaghati-hati rin Niya ang dalawang isda para sa lahat.
[6:42] At nakakain silang lahat at nabusog.
[6:43] At nakahango sila ng 12 bayong na punung-puno ng mga natira mula sa mga tinapay at mga isda.
[6:44] At ang bilang ng mga kalalakihang nakakain ng tinapay ay aabot sa 5,000.
[6:45] At agad Niyang pinilit pasakayin ang Kanyang mga alagad papasok sa bangka, habang pinauuwi Niya ang mga tao, para rin maunang maglayag papunta sa kabilang ibayo sa direksyon ng Bethsaida.
[6:46] At nang mapaalis na sila, pumunta Siya sa gitna ng bundok para manalangin.
[6:47] Kaya't pagsapit ng gabi, nasa gitna na ng dagat ang bangka at mag-isa na lang Siya sa ibabaw ng lupa.
[6:48] At nakita Niyang nahihirapan sila sa pagsasagwan dahil ang ihip ng hangin ay pasalungat sa kanila. At nang malapit na ang oras ng ika-4 na palitan ng gwardia sa gabi, pumunta Siya sa kanila na naglalakad sa ibabaw ng dagat, at gusto Niya sanang lampasan sila.
[6:49] Pero nang makita nila Siyang naglalakad sa ibabaw ng dagat, akala nila ay isa Siyang multo kaya't nagsigawan sila.
[6:50] Lahat kasi sila'y nakakita sa Kanya at natakot. Pero agad Siyang nagsalita sa kanila at sinabi Niya sa kanila, "Lakasan niyo ang loob niyo. Ako ito. Huwag kayong matakot."
[6:51] Kaya't naglakad Siya papunta sa kanila sa loob ng bangka at tumigil ang ihip ng hangin. At sobra-sobra ang pagtataka nila sa kanilang mga sarili, at sila'y nagulantang.
[6:52] Hindi pa kasi nila naunawaan yung nangyari patungkol sa mga tinapay, dahil ang kanilang mga puso ay tumigas.
[6:53] At pagkatawid nila sa kabilang ibayo, dumating sila sa harap ng lupain ng Gennesaret, at doon sila dumaong.
[6:54] Pero pagkababa nila mula sa bangka, agad Siyang namukhaan ng mga tao doon.
[6:55] Nagtakbuhan sila sa buong kapaligirang iyon at nagsimula silang magbitbit ng mga may sakit sa ibabaw ng mga higaan para dalhin kung saan nila nabalitaan na nandoon Siya.
[6:56] At sa lahat ng pasukan Niyang mga baranggay o mga lungsod, o mga lalawigan, ay inilalatag nila sa gitna ng mga pampublikong lugar ang mga may sakit at nagmamakaawa sa Kanya na kung maaari ay mahawakan nila ang laylayan lang ng damit Niya. At lahat ng nakahawak sa Kanya ay nagsigaling.
[7:1] At nagpulong sa harapan Niya ang mga Pariseo at ilang mga dalubhasa sa Biblia na nanggaling pa mula sa Jerusalem.
[7:2] At nang makita nilang ilan sa mga alagad Niya ay kumakain ng tinapay nang di nakapaghugas ng kamay, nakahanap ng butas ang mga ito.
[7:3] Ang mga Pariseo kasi at lahat ng mga Judio ay hindi kakain malibang maghugas sila ng kamay hanggang siko, bilang pagsunod sa tradisyon ng mga punong-lingkod.
[7:4] Pagkagaling din mula sa labasan ay hindi sila kakain maliban sa maghugas muna sila. At marami pang iba silang sinusunod na minana nila gaya na lang ng paghuhugas ng mga baso, at ng mga pitsel, pati ng mga lalagyang tanso at ng mga higaan.
[7:5] Kaya't tinanong Siya ng mga Pariseo at ng mga dalubhasa sa Biblia, "Ano ang dahilan bakit di namumuhay ang mga alagad Mo ayon sa tradisyon ng mga punong-lingkod, sa halip ay kumakain sila ng tinapay nang di hugas ang mga kamay?"
[7:6] Pero nang sumagot ay sinabi Niya sa kanilang, "Magaling ang pagkakapahayag ni Isaias tungkol sa inyong mga ipokrito. Ayon sa nakasulat, 'Iginagalang Ako ng mga taong ito sa bibig, pero ang puso nila ay dumidistansya palayo sa Akin.
[7:7] At sinasamba nila Ako nang walang kabuluhan, dahil sa halip na doktrina, ang tinuturo ay mga patakaran lang ng tao.'
[7:8] Isinantabi niyo kasi ang kautusan ng Diyos para lang matupad niyo ang tradisyon ng mga tao, gaya na lang ng paghuhugas ng pitsel at ng mga baso. At marami pang ibang bagay na tulad nito ang ginagawa niyo."
[7:9] Sinabi pa Niya sa kanila, "Ang husay ng pagsasawalang bisa niyo sa kautusan ng Diyos matupad niyo lang ang patakaran niyo!
[7:10] Dahil sinabi ni Moises, 'Igalang niyo ang inyong ama at ang inyong ina,' at 'Ang magsalita nang masama sa ama o sa ina, dapat siyang tapusin sa pamamagitan ng kamatayan.'
[7:11] Pero sinasabi niyo, 'Kung sabihin ng tao sa ama o sa ina na 'Korvan (ang ibig sabihin ay handog) ang anumang galing sa akin na kapaki-pakinabang sa inyo.'
[7:12] Ngayon, hindi niyo na siya hinahayaan na gumawa ng anumang para sa kanyang ama o sa kanyang ina,
[7:13] kaya't napapawalang bisa ang Salita ng Diyos sa tradisyong ipinasa niyo. At marami pang tulad nito ang pinaggagagawa ninyo."
[7:14] At nang palapitin Niya ang lahat ng tao ay sinabi sa kanila, "Pakinggan niyo at unawain niyo Akong lahat,
[7:15] Walang bagay sa labas ng tao na pumapasok sa loob niya ang kaya siyang parumihin, sa halip ang mga lumalabas mula sa kanya ang siyang nagpaparumi sa tao.
[7:16] Kung sinuman ay may mga tayngang handang makinig, hayaan siyang makinig."
[7:17] At nang magpunta Siya sa loob ng isang bahay palayo sa madla, tinanong Siya ng mga alagad Niya tungkol sa talinghaga.
[7:18] At sinabi Niya sa kanila, "Malinaw na hanggang ngayon ay wala pa rin kayong pang-unawa. Di niyo naiintindihan na lahat ng pumapasok sa loob ng tao na galing sa labas ay di magagawang parumihin siya.
[7:19] Dahil hindi ito pumapasok sa loob ng puso niya, sa halip ay sa loob ng tiyan, at inilalabas papunta sa inudoro. Ganyan nalilinis ang lahat ng mga pagkain!
[7:20] At sinabi Niya na, "Ang lumalabas mula sa tao ang siyang nagpaparumi sa tao.
[7:21] Dahil mula sa kaibuturan ng puso ng mga tao lumalabas ang masasamang kaisipan: mga pakikiapid, pakikipagtalik sa di asawa, mga pagpatay,
[7:22] mga pagnanakaw, mga kasakiman, mga kasamaan, pandaraya, kawalang-hiyaan, pagkainggit, paglapastangan sa Diyos, kayabangan, kahangalan.
[7:23] Lahat ng masasamang bagay na ito ay lumalabas mula sa kalooban at nagpaparumi sa tao."
[7:24] At pagtayo Niya mula roon, nagpunta Siya sa loob ng teritoryo ng Tyre at Sidon. At nang makapasok na sa loob ng isang bahay, gusto Niya sanang walang makaalam pero di Niya magawang magtago,
[7:25] dahil may isang ginang na nakatunog patungkol sa Kanya. (Ang dalaginding nito ay inalihan ng maruming espiritu.) Matapos lumapit ay dumapa ito sa tabi ng paanan Niya.
[7:26] Pero ang ginang na ito ay isang Griego na may lahing mula sa Phoenicia at Syria. At nagmakaawa ito sa Kanya na palayasin Niya ang demonyo mula sa dalagita nito.
[7:27] Pero sinabi ni Jesus sa kanya, "Hayaan mo munang mabusog ang mga anak; dahil hindi maganda na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis sa mga aso."
[7:28] Pero sumagot ito at sinabi sa Kanya, "Totoo nga po, Panginoon, dahil ang mga aso rin ay kumakain mula sa mga pinagkainang nalaglag ng mga anak sa ilalim ng lamesa."
[7:29] At sinabi Niya rito, "Dahil sa salitang ito ay umuwi ka na. Lumayas na ang demonyo mula sa babaing anak mo."
[7:30] At pagkauwi nga sa loob ng bahay niya, nakita niyang lumabas na ang demonyo at ang babaing anak na nakahiga sa ibabaw ng kama.
[7:31] At sa muling pag-alis mula sa lupain ng Tyre at Sidon, nagpunta Siya sa direksyon ng Dagat ng Galilee, tagos sa gitna ng nasasakupan ng Sampumbayan.
[7:32] At dinala nila sa Kanya ang isang binging hirap magsalita at nakiusap sila sa Kanya na sana'y mapatungan ito ng Kanyang kamay.
[7:33] At nang kunin Niya ito palayo mula sa lahat ng karamihan, isinuot Niya ang mga daliri Niya papasok sa mga taynga nito. At pagdura, ay hinipo Niya ang dila nito.
[7:34] Tapos, pagtingala sa langit ay huminga Siya ng malalim at sinabi sa kanya, "Effata!" na ibig sabihin ay, "Magbukas ka!"
[7:35] At agad na nabuksan ang mga taynga nito at natanggal ang pumipigil sa dila nito, tapos ay nakapagsalita na ito ng maayos.
[7:36] At inutusan Niya silang huwag itong sasabihin. Pero kapag lalo Niya silang pinagbabawalan, mas lalo naman nilang pinagkakalat.
[7:37] At sa tindi ng pagkamangha ay sinabi nila, "Magaling ang lahat ng ginawa Niya! Parehas Niyang nagagawang bigyan ng pandinig ang mga bingi at pagsalitain ang mga pipi!"
[8:1] Sa kalagitnaan ng mga araw na iyon ay napakaraming tao ang nagkatipon, at wala man lang silang anumang makain. Nang tawagin ni Jesus ang mga alagad Niya, sinabi Niya sa kanila,
[8:2] "Naaawa Ako para sa mga taong ito, dahil tatlong araw Ko na silang kasama at wala na silang anumang makain.
[8:3] At kung pauwiin Ko sila papunta sa bahay nilang di nakakain, manlulupaypay sila habang nasa daan dahil ang ilan sa kanila ay malayo pa ang pinanggalingan.
[8:4] At sinagot Siya ng mga alagad Niya, "Saan naman po makakakuha ang sinuman dito sa liblib na lugar ng tinapay na sasapat sa kanila?"
[8:5] At tinanong Niya sila, "Gaano karaming tinapay ang mayroon kayo?" At ang sabi nila, "Pito po."
[8:6] Kaya't inutusan Niyang umupo ang mga tao sa ibabaw ng lupa. At nang kunin ang pitong tinapay ay nagpasalamat, sabay pinaghati-hati Niya at ipinamahagi sa mga alagad Niya para ihain sa mga tao. At inihain nga nila ang mga ito sa mga tao.
[8:7] Mayroon din silang ilang pirasong maliliit na isda. At matapos pagpalain, nagsabi Siyang ihain din ang mga ito.
[8:8] Sila nga'y kumain at nabusog. Pagkatapos ay nakalikom sila ng pitong bayong ng mga pira-pirasong pagkain na natira.
[8:9] At ang mga nakakain ay aabot sa 4,000. Tapos, sila'y pinauwi na Niya,
[8:10] at agad sumakay sa loob ng bangka kasama ang mga alagad Niya. Dumating sila sa loob ng bayan ng Banayad na Apoy,
[8:11] tapos ay naglabasan ang mga Pariseo at sinimulang kuwestyunin Siya. Sinusubukan nila Siya sa pamamagitan ng paghingi sa Kanya ng senyales mula sa langit.
[8:12] Kaya't napabuntong-hininga Siya sa Kanyang espiritu sabay sabi, "Bakit naghahanap ng senyales ang henerasyong ito? Sinasabi Ko sa inyo ang totoo, walang senyales na ibibigay sa henerasyong ito."
[8:13] At nilayasan Niya sila. Pagsakay muli sa loob ng bangka, umalis na Siya papunta sa kabilang ibayo,
[8:14] at nakalimutan nilang magdala ng mga tinapay. Wala rin silang dala sa loob ng bangka maliban sa isang pirasong tinapay.
[8:15] Ngayon, binalaan Niya sila sabay sabi, "Unawain niyo ito: mag-ingat kayo mula sa lebadura ng mga Pariseo, at sa lebadura ni Herodes."
[8:16] Kaya't nangatwiran sila sa isa't isa sabay sabi, "Wala kasi tayong tinapay!"
[8:17] At nang malaman ito ni Jesus, sinabi Niya sa kanila, "Bakit kayo nangangatwiran nang dahil wala kayong tinapay? Di pa ba kayo natututo o nakakaintindi? Matigas pa rin ba ang puso niyo?
[8:18] May mga mata kayo, hindi naman kayo nakakakita. At may mga taynga kayo, hindi naman kayo nakakarinig at hindi niyo naaalala.
[8:19] Nang pinaghati-hati Ko ang limang tinapay para sa 5,000, ilan ang nakuha ninyong bayong na puno ng mga tira-tirang pagkain?" Sagot nila sa Kanya, "12 po."
[8:20] "At nang ang pito para sa 4,000, ilan ang nakuha niyong bayong na puno ng mga tira-tirang pagkain?" At ang sabi nila, "Pito po."
[8:21] At sinabi Niya sa kanila, "Paanong hindi pa rin kayo nakakaintindi?"
[8:22] Kaya't dumating Siya sa Bethsaida, at dinala nila sa Kanya ang isang bulag, sabay nagmakaawa sila sa Kanya na kung pwede ay mahawakan Niya ito.
[8:23] At nang kunin ang kamay ng bulag, inakay Niya ito palabas ng baranggay at dinuraan ang mga mata nito, nilapat ang mga kamay sa kanya, sabay tinanong Niya ito kung may nakikita na siya.
[8:24] At pagtingala ay sinabi nito, "Nakikita ko po ang mga tao na parang mga puno. Nakikita ko silang naglalakad."
[8:25] Kaya't ipinatong uli Niya ang mga kamay sa ibabaw ng mga mata nito at pinadilat ito. At gumaling na siya, kaya't nakita na niya ng malinaw ang lahat.
[8:26] At nang paalisin ito papunta sa bahay nito ay sinabi Niya, "Huwag kang pupunta sa loob ng baranggay ni sasabihin ito kanino man sa loob ng baranggay."
[8:27] Tapos ay nagpunta si Jesus at ang mga alagad Niya papasok sa mga baranggay ng Caesarea Philippi. At habang nasa daan ay tinanong Niya ang mga alagad Niya at sinabi sa kanila, "Sino ba raw Ako ayon sa sinasabi ng mga tao?"
[8:28] At ang sagot nila, "Si Juan na Tagalublob po; at ang iba'y si Elias; pero ang iba nama'y, isa sa mga propeta."
[8:29] At sinabi Niya sa kanila, "Pero kayo, sino ba Ako sa palagay niyo?" At pagsagot ni Pedro ay sinabi sa Kanya, "Kayo po ang Kristo."
[8:30] At mahigpit Niya silang pinagsabihan na huwag nilang sasabihin kanino man kung sino Siya.
[8:31] At sinimulan Niyang turuan sila na ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng maraming paghihirap, at pambabastos mula sa mga punong-lingkod, at sa mga pinunong pari, pati na sa mga dalubhasa sa Biblia; at mapatay at bumangon pagkatapos ng tatlong araw.
[8:32] At hayagan Siyang nagsalita tungkol sa paksang ito. Pagkatapos ay hinila Siya ni Pedro sa isang tabi at nagsimulang pagsabihan Siya.
[8:33] Pero paglingon at pagtingin Niya sa mga alagad Niya, sinaway Niya si Pedro habang sinasabi, "Lumayas ka sa harapan Ko, Satanas! Dahil hindi mo iniisip ang mga bagay na mula sa Diyos, sa halip ay ang mga bagay na mula sa tao."
[8:34] At pagkatawag sa mga tao kasama ang mga alagad Niya, sinabi Niya sa kanila, "Ang sinumang naghahangad na sumunod sa yapak Ko, dapat niyang pagkaitan ang sarili niya, at dapat niyang pasanin ang kanyang krus, at dapat na sumusunod siya sa Akin.
[8:35] Dahil ang sinumang gustong iligtas ang kaluluwa niya ay ipapahamak ito, pero sinumang ipahamak ang kaluluwa niya alang-alang sa Akin at sa Masayang Balita, siya ang magliligtas nito.
[8:36] Dahil ano ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya ang buong mundo, pero ipahamak naman niya ang kaluluwa niya?
[8:37] O ano ang ibibigay ng isang tao kapalit ng kaluluwa niya?
[8:38] Dahil sinumang ikahiya Ako at ang Aking mga salita sa gitna ng mapangalunya at makasalanang henerasyong ito ay siya ring ikakahiya ng Anak ng Tao pagdating Niya, taglay ang kaluwalhatian ng Ama Niya na kasama ng mga angel na banal."
[9:1] At sinabi Niya sa kanila, "Sinasabi Ko sa inyo ang totoo, na may ilan sa mga nakatayo rito ang hinding-hindi makakatikim ng kamatayan hanggang sa makita nilang dumating ang Kaharian ng Diyos nang may kapangyarihan."
[9:2] At pagkalipas ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at si Tyago pati rin si Juan, at sila'y dinala Niya papunta sa napakataas na bundok na walang kasamang iba. At Siya'y nag-ibang anyo sa kanilang harapan,
[9:3] anupa't ang mga damit Niya ay naging sobrang puti, kumikinang gaya ng niyebe. Walang gumagawa ng tela sa balat ng lupa ang kayang magpaputi nang ganoon.
[9:4] At nagpakita sa kanila si Elias, kasama si Moises, at sila'y nakikipag-usap kay Jesus.
[9:5] At pagsabat ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, "Guro, mabuti po para sa ating dumito muna at para makagawa po kami ng tatlong kubo: isa po sa Inyo, at isa kay Moises at isa naman kay Elias."
[9:6] Hindi niya kasi alam kung ano ang sasabihin dahil sa takot nila.
[9:7] At may ulap na pumalibot sa kanila, tapos ay may tinig mula sa ulap ang nagsabing, "Ito ay ang Anak Kong minamahal. Sa Kanya kayo makinig."
[9:8] At bigla na lang, pagtingin nila sa paligid, ay wala na silang nakitang kasama ni Jesus kundi sila na lamang.
[9:9] Pero habang sila'y pababa mula sa bundok, inutusan Niya sila na huwag nilang ipagsabi kanino man ang mga nasaksihan nila hanggang hindi pa nangyayari ang pagbangon ng Anak ng Tao mula sa mga patay.
[9:10] At inilihim nila ang pananalitang ito sa kanilang mga sarili habang nagtatanong kung ano ang ibig sabihin nitong pagbangon mula sa mga patay.
[9:11] Kaya't nang tanungin Siya ay sinabi nilang, "Bakit po sinasabi ng mga dalubhasa sa Biblia na dapat munang dumating si Elias?"
[9:12] At pagsagot ay sinabi Niya sa kanila, "Totoo nga na darating muna si Elias para ibalik ang lahat sa dati. At paano naman ang naisulat tungkol sa Anak ng Tao na dapat Siyang magdanas ng maraming hirap at Siya'y kamuhian.
[9:13] Pero sinasabi Ko sa inyo na dumating na si Elias at ginawa nila sa kanya ang lahat ng kagustuhan nila ayon sa naisulat tungkol sa kanya."
[9:14] At nang makarating sa piling ng mga alagad, nakita Niya ang napakaraming taong nakapaligid sa kanila at ang mga dalubhasa sa Bibliang nakikipag debate sa kanila.
[9:15] Pero biglang namangha ang lahat ng tao nang makita Siya, at dali-dali lumapit para batiin Siya.
[9:16] At tinanong Niya ang mga dalubhasa sa Biblia, "Ano namang argumento ang mayroon kayo sa kanila?"
[9:17] At isang lalaki mula sa karamihan ang sumagot at sinabi, "Guro, inilalapit ko po sa Inyo ang anak kong lalake na may espiritu ng pagka-pipi.
[9:18] At sa tuwing sinasapian siya nito ay nangingisay siya, tapos ay pinabubula at pinagngangalit nito ang mga ngipin niya, at siya'y namamayat. At kinausap ko po ang mga alagad Niyo na palayasin nila ito pero di po nila magawa."
[9:19] Pero nang sagutin ito ay sinabi Niya, "Hay, walang pananalig na henerasyon! Hanggang kailan Ko kayo sasamahan? Hanggang kailan Ko kayo titiisin? Dalhin niyo siya sa Akin."
[9:20] At dinala nila ito papunta sa Kanya, pero nang makita Siya ay biglang pinahirapan ito ng espiritu. At nang mabuwal sa ibabaw ng lupa ay gumulong ito sabay bula ng bibig.
[9:21] At tinanong Niya ang ama nito, "Gaano na katagal na nangyayari ito sa kanya?" At ang sabi niya, "Simula po pagkabata.
[9:22] Madalas rin po siya nitong dalhin sa gitna ng apoy at sa tubigan sa hangad na patayin siya. Pero kung may magagawa po Kayo, mahabag po Kayo sa amin at tulungan Niyo po kami!"
[9:23] Pero sinabi ni Jesus sa kanya na, "Kung magagawa mong manalig. Lahat ay posible sa nananalig."
[9:24] At agad na napaiyak ang ama ng bata, tapos ay luhaan nitong sinabi, "Nananalig po ako, Panginoon! Tulungan Niyo po ako dahil sa aking di pananalig."
[9:25] Pero nang mapansin ni Jesus na naglalapitan na ang maraming tao doon, sinaway Niya ang maruming espiritu habang sinasabi dito, "Inuutusan kitang pipi at binging espiritu, lumabas ka mula sa kanya at huwag ka nang papasok sa kanya!"
[9:26] At matapos sumigaw at pahirapan siya nang todo, lumabas na ito. Pagkatapos nito'y nagmukha na siyang patay kaya't marami ang nagsabing, "Patay na siya!"
[9:27] Pero hinawakan ni Jesus ang kanyang kamay, ibinangon siya at siya'y nakatayo.
[9:28] At pagkapasok Niya sa loob ng bahay, nang sila-sila na lang, tinanong Siya ng mga alagad Niya, "Bakit di po namin kayang palayasin iyon?"
[9:29] At sinabi Niya sa kanila, "Walang kayang magpalayas sa ganitong klase, kundi sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno."
[9:30] At pag-alis mula roon ay dumaan sila sa gitna ng Galilee, pero di Niya gusto na may makaalam,
[9:31] dahil tinuturuan Niya ang mga alagad Niya at sinasabi sa kanila na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao, at Siya'y papatayin nila pero matapos patayin ay babangon Siya sa ikatlong araw.
[9:32] Pero di nila naintindihan ang salitang iyon at takot silang tanungin Siya.
[9:33] At nagpunta Siya sa Capernaum at habang nasa loob ng bahay ay tinanong Niya sila, "Ano ang pinagtatalunan niyo laban sa isa't isa habang nasa daan?"
[9:34] Pero tumahimik lang sila: dahil nagtalo-talo sila laban sa isa't isa habang nasa daan kung sino ang pinakadakila.
[9:35] At nang maupo ay tinawag Niya ang labindalawa at sinabi Niya sa kanila, "Kung may naghahangad na mauna, siya ay magiging huli sa lahat, at tagapaglingkod ng lahat."
[9:36] At pagkuha sa isang bata ay inilagay Niya ito sa kalagitnaan nila. At nang kargahin ito ay sinabi Niya sa kanila,
[9:37] "Sinumang tatanggap sa isang tulad sa batang ito dahil sa pangalan Ko ay sa Akin tumatanggap. At sinumang tumanggap sa Akin ay hindi Ako ang tinatanggap, kundi ang nagpadala sa Akin."
[9:38] Pero nang sagutin Siya ni Juan ay sinabi nito, "Guro, may nakita kaming lalake na nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan Niyo, na hindi sumasama sa atin. Kaya't pinagbawalan namin siya dahil hindi nga siya sumasama sa atin."
[9:39] Pero sinabi ni Jesus, "Huwag niyo siyang pagbawalan dahil walang makagagawa ng himala gamit ang pangalan Ko na pagkatapos ay agad na makapagsasalita nang masama laban sa Akin.
[9:40] Dahil ang hindi laban sa inyo ay kumikilos para sa inyo.
[9:41] Dahil sinumang magpainom sa inyo ng isang basong tubig sa pangalan Ko, dahil kayo'y kay Kristo, sinasabi Ko sa inyo ang totoo, hinding-hindi mawawala ang gantimpala niya.
[9:42] At sinumang gumawa ng bagay na ikadadapa ng isa sa mga maliliit na ito na nananalig sa Akin, mas mabuti pa sa kanya kung itali ang gilingang bato paikot sa leeg niya at ihagis siya sa gitna ng dagat.
[9:43] At kung ang kamay mo ang sanhi ng pagkadapa mo, putulin mo ito. Mabuti pa sa iyong pumasok sa loob ng Buhay na putol ang kamay, kaysa sa may dalawang kamay na pupunta sa loob ng impiyerno, sa gitna ng apoy na di namamatay.
[9:44] Kung saan ang uod nila ay di namamatay at ang apoy ay walang humpay.
[9:45] At kung ang paa mo ang sanhi ng pagkadapa mo, putulin mo ito. Mabuti pa sa iyong pumasok sa loob ng Buhay na pilay, kaysa sa may dalawang paa na itatapon naman sa loob ng impiyerno, sa gitna ng apoy na di namamatay.
[9:46] Kung saan ang uod nila ay di namamatay at ang apoy ay walang humpay.
[9:47] At kung ang mata mo ang sanhi ng pagkadapa mo, tanggalin mo ito. Mabuti pa sa iyong pumasok sa loob ng Kaharian ng Diyos na iisa lang ang mata, kaysa sa may dalawang mata na itatapon naman sa gitna ng apoy ng impiyerno.
[9:48] Kung saan ang uod nila ay di namamatay at ang apoy ay di nawawala.
[9:49] Dahil ang bawat isa ay aasinan gamit ang apoy at bawat alay ay hahaluan ng asin.
[9:50] Mabuti ang asin. Pero kung maging matabang ang asin, sa pamamagitan ng anong bagay niyo ito paaalatin? Magkaroon kayo ng asin sa inyong mga sarili at mamuhay kayo nang mapayapa sa isa't isa."
[10:1] At pagbangon mula roon ay nagpunta Siya sa loob ng lupain ng Judea patungo sa kabilang ibayo ng Jordan. Kaya't muling nagdagsaan sa tabi Niya ang mga tao at, gaya ng Kanyang kinagawian, muli Niya silang tinuruan.
[10:2] At paglapit ng mga Pariseo ay nagtanong sila sa Kanya para subukin Siya, kung naaayon ba sa Batas na hiwalayan ng lalake ang asawang babae.
[10:3] At pagsagot ay sinabi Niya sa kanila, "Ano ang inutos sa inyo ni Moises?"
[10:4] At ang sabi nila, "Pumayag si Moises na gumawa ng kasulatan sa paghihiwalay bago maghiwalayan."
[10:5] Pero pagsagot ni Jesus ay sinabi Niya sa kanila, "Dahil sa katigasan ng mga puso niyo kaya sinulat niya para sa inyo ang patakarang ito.
[10:6] Pero mula nang unang likhain ang lahat, lalake at babae ang pagkakagawa sa kanila ng Diyos.
[10:7] Dahil dito ay iiwan ng lalake ang ama at ang ina niya at mananatili siya sa piling ng kanyang asawang babae.
[10:8] At silang dalawa ay magiging isang katawan. Kaya't hindi na sila dalawa kundi isa nang katawan.
[10:9] Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao."
[10:10] At sa loob ng bahay, nagtanong sa Kanya ang mga alagad Niya tungkol uli sa bagay na iyon.
[10:11] At sinabi Niya sa kanila, "Sinumang hiwalayan ang kanyang asawang babae at magpakasal sa iba ay nakikiapid laban dito.
[10:12] At kung ang babae naman ay hiwalayan ang asawa niyang lalake at magpakasal siya sa iba, siya ay nakikiapid."
[10:13] At dinala nila sa Kanya ang mga maliliit na bata para mahawakan Niya ang mga ito, pero sinaway ng mga alagad ang mga nagdadala sa kanila.
[10:14] Pero nang makita ito ni Jesus, nainis Siya at sinabi sa kanila, "Hayaan niyo ang mga maliliit na batang lumapit sa Akin at huwag niyo silang pagbawalan; dahil para sa mga katulad nila ang Kaharian ng Diyos!
[10:15] Sinasabi Ko sa inyo ang totoo, sinumang hindi tatanggap sa Kaharian ng Diyos gaya sa isang maliit na bata ay hinding-hindi makakapasok sa loob nito."
[10:16] At kinarga Niya ang mga ito, inilapat ang mga kamay sa kanila, sabay pinagpapala sila.
[10:17] At habang Siya'y lumalakad sa gitna ng kalsada, may isang lalaking tumakbo, at pagluhod sa Kanya ay tinanong Siya, "Mabuting Guro, ano po ba ang gagawin ko para manahin ko ang Buhay na walang hanggan?"
[10:18] Pero sinabi ni Jesus sa kanya, "Bakit mo Ako tinatawag na mabuti? Walang ibang mabuti maliban sa nag-iisang Diyos.
[10:19] Alam mo ang mga utos, 'Huwag kang makiapid; huwag kang papatay ng tao; huwag kang magnanakaw; huwag kang magbigay ng maling testimoniya; huwag kang mandaraya; parangalan mo ang iyong ama at ina.'"
[10:20] Pero nang sumagot ay sinabi nito sa Kanya, "Guro, ginawa ko na po ang lahat ng ito mula pa sa aking pagkabata."
[10:21] Pero tinignan siya ni Jesus, natuwa sa kanya, at sinabi sa kanya, "Isang bagay ang kulang mo: Umuwi ka, ipagbili mo anumang mayroon ka, tapos ibigay mo sa mga naghihikahos, at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumama ka sa Akin na bitbit ang krus."
[10:22] Pero nalungkot siya dun sa sinabi. Umuwi siya na mabigat ang kalooban, dahil napakarami niyang pag-aari.
[10:23] At pagtingin sa paligid ni Jesus, sinabi Niya sa mga alagad Niya, "Gaano na lang kahirap na papasok sa loob ng Kaharian ng Diyos ang mga nakakapit sa kayamanan!"
[10:24] At nagulat ang mga alagad tungkol sa mga salitang ito. Pero nang sumagot si Jesus, muli Niyang sinabi sa kanila, "Mga anak, gaano na lang kahirap para sa kanila na nagtitiwala sa pera na makapasok sa loob ng Kaharian ng Diyos!"
[10:25] Mas madali pang makalusot ang isang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa isang taong ubod ng yaman na makapasok sa loob ng Kaharian ng Diyos."
[10:26] At sa sobrang pagkamangha ay sinabi nila sa isa't isa, "At sino naman ang maaaring maligtas?"
[10:27] At pagtingin ni Jesus sa kanila ay sinabi Niya, "Imposible sa tao, pero sa tulong ng Diyos, hindi. Dahil lahat ng bagay ay posible sa Diyos."
[10:28] At nagsimulang magsalita si Pedro sa Kanya, "Tignan Niyo, iniwan po naming lahat at sumama sa Inyo!"
[10:29] At pagsagot ni Jesus ay sinabi Niya, "Sinasabi Ko sa inyo ang totoo, walang sinumang nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o asawang babae, o mga anak, o mga lupain alang-alang sa Akin at sa Masayang Balita,
[10:30] ang di tatanggap ng 100-beses ngayon sa loob ng panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, pati na mga nanay at mga anak, at mga lupain (na may kasamang pag-uusig), at doon sa mundong darating, walang hanggang Buhay.
[10:31] Pero maraming nauna ang mahuhuli, at huli na mauuna."
[10:32] Ngayon, sila ay nasa gitna ng daan paakyat sa Jerusalem, at nangyari na nangunguna sa kanila si Jesus. At sila'y namangha, at habang sumusunod, natakot sila. Tapos, nang pulungin muli ang Labindalawa, sinimulan Niyang sabihin sa kanila ang mga bagay na malapit nang mangyari sa Kanya.
[10:33] Ganito ang sabi Niya, "Pagmasdan niyo, paakyat na tayo sa Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga pinunong pari, at sa mga dalubhasa sa Biblia. Pagkatapos ay hahatulan nila Siya ng parusang kamatayan, at ibibigay nila Siya sa mga dayuhan.
[10:34] At Siya ay paglalaruan, at Siya ay hahagupitin, at Siya ay duduraan, at Siya ay papatayin, pero sa ikatlong araw ay babangon Siya."
[10:35] At habang papalapit sa Kanya si Tyago at Juan na mga anak ni Zebedeo sinabi nila, "Guro, gusto po naming gawin Niyo para sa amin ang anumang hingin namin."
[10:36] At sinabi Niya sa kanila, "Ano naman ang gusto ninyong gawin Ko para sa inyo?"
[10:37] At sinabi nila sa Kanya, "Ipagkaloob Niyo sa amin na kami po'y makaupo, isa sa Inyong kanan at ang isa naman po'y sa Inyong kaliwa sa gitna ng Inyong kaluwalhatian."
[10:38] Pero sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi niyo alam ang hinihiling niyo. Kaya niyo bang inuman ang basong iniinuman Ko at mailublob sa paglulublob na Aking nilulubluban?"
[10:39] At ang sabi nila sa Kanya, "Kaya po namin." Pero sinabi ni Jesus sa kanila, "Siguradong iinom nga kayo sa baso na iniinuman Ko, at ilulublob kayo sa paglulublob na nilulubluban Ko,
[10:40] pero ang magpa-upo sa kanan ko at sa kaliwa ko ay hindi ako ang nagpasya, kundi ibibigay ang mga ito para sa kanila kung saan ito inihanda."
[10:41] At nang marinig ito ng 10, nagsimula silang mainis kina Tyago at Juan.
[10:42] Pero nang palapitin sila ni Jesus ay sinabi Niya sa kanila, "Alam niyo ba na ang mga taong sa tingin nilang dapat mamuno sa mga dayuhang bansa ay sapilitan silang pinapasunod at ang mga dakilang tao nila ang siyang naghahari sa kanila?
[10:43] Pero di kayo dapat ganito sa isa't isa. Sa halip, sinumang gustong maging dakila sa inyo ay siyang magiging lingkod niyo.
[10:44] At sinuman sa inyo na gustong mamuno ay magiging alipin ng lahat.
[10:45] Dahil maski na ang Anak ng Tao ay dumating di para paglingkuran, kundi para maglingkod at ibigay ang kaluluwa Niya bilang pantubos para sa nakararami."
[10:46] At nakarating sila sa Jerico. At nang papaalis na sila mula sa Jerico kasama ang mga alagad Niya at ng napakaraming tao, ang bulag na si Bartimeo, anak ni Timeo ay nakaupo naman sa gilid ng kalsada na namamalimos.
[10:47] At nang marinig niya na si Jesus na Nazareno iyon, nagsimula siyang magsisigaw at magsabing, "Jesus na Anak ni David, mahabag po Kayo sa akin!"
[10:48] At sinaway siya ng karamihan para patahimikin siya, pero mas lalo pa siyang sumigaw ng malakas, "Anak ni David, kahabagan Niyo po ako!"
[10:49] Kaya't paghinto ni Jesus ay nagsabi na tawagin siya. At tinawag nga nila ang bulag sabay sabi sa kanya, "Huminahon ka. Tumayo ka. Tinatawag ka Niya."
[10:50] At inihagis niya ang balabal niya. Pagtayo ay nagpunta siya palapit kay Jesus.
[10:51] At pagsagot ay sinabi sa kanya ni Jesus, "Ano ang gusto mong gawin Ko para sa iyo?" At sinabi sa Kanya ng bulag na lalaki, "Panginoon, na ako po'y makakita."
[10:52] At sinabi sa kanya ni Jesus, "Umalis ka na. Ang pananalig mo ang nagpagaling sa iyo." At biglang nagbalik ang kanyang paningin at sumama siya kay Jesus sa gitna ng kalsada.
[11:1] At nang papalapit na sila sa Jerusalem, sa bandang Bethphage at Bethany, sa direksyon ng Bundok ng mga Olibo, ay nagpadala Siya ng dalawa sa mga alagad Niya,
[11:2] at sinabi Niya sa kanila, "Pumunta kayo sa loob ng baranggay na nasa harapan niyo at pagkapasok niyo sa loob nito ay may makikita kayo agad na bisirong asnong nakatali na di pa nasasakyan ng tao. Pagkalag niyo dito, kunin niyo.
[11:3] At kung may magsabi sa inyo, 'Bakit niyo ito ginagawa?' Sabihin niyo na kailangan siya ng Panginoon at ibabalik din siya agad dito."
[11:4] Nagpunta nga sila roon, at nakita ang bisirong asno sa may kanto sa labas na nakatali sa tabi ng pintuan, at kinalagan nila ito.
[11:5] At may ilang nakatayo doon na nagsabi sa kanila, "Ano ang ginagawa niyo? Kinakalagan iyang bisirong asno?"
[11:6] Pero sinagot nila ang mga ito kung paano sila inutusan ni Jesus, at pinayagan sila.
[11:7] Kaya't dinala nila ang bisirong asno sa tabi ni Jesus, at ipinatong nila rito ang mga damit nila, at umupo Siya sa ibabaw nito.
[11:8] Marami ding naglatag ng kanilang mga damit sa ibabaw ng kalsada, at ang iba ay nagputol pa ng mga madahong sanga mula sa mga puno, saka ikinalat nila sa ibabaw ng kalsada.
[11:9] At ang mga nangunguna kasama ang mga sumusunod ay nagsisigawan. Sinasabi nila, "Mabuhay! Purihin ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!
[11:10] Pagpalain ang kaharian ng ama nating si David, na dumarating sa ngalan ng Panginoon! Mabuhay sa Kataas-taasan!"
[11:11] Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa Jerusalem at dumiretso sa loob ng templo. At matapos tignan ang lahat ng bagay, dahil pagabi na rin nang oras na iyon, lumabas Siya papuntang Bethany kasama ang Labindalawa.
[11:12] At kinabukasan, paglabas nila mula sa Bethany, ay nagutom Siya.
[11:13] At pagkakita Niya sa isang puno ng igos sa kalayuan na may mayabong na dahon, pinuntahan Niya ito baka sakaling may makitang anuman dito. Pero pagdating sa harapan nito ay wala Siyang nakita kundi mga dahon, dahil hindi pa iyon panahon ng mga igos.
[11:14] Kaya't pagsagot ni Jesus ay sinabi dito, "Mula ngayon wala na sa iyong kakain ng bunga magpakailanman!" At narinig iyon ng mga alagad Niya.
[11:15] At sa pagdating nila sa Jerusalem, at pagpasok ni Jesus sa loob ng templo, sinimulan Niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa loob ng templo, at pinagtataob Niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
[11:16] Hindi rin Niya hinayaang makapagdala ng kagamitan ang kahit sinung tao na dadaan sa templo.
[11:17] At nang magturo ay sinabi sa kanila, "Hindi ba't nasusulat na, ang bahay Ko ay tatawaging Bahay Panalanginan para sa lahat ng mga bansa? Pero ginawa niyo itong lungga ng mga magnanakaw!"
[11:18] At narinig ito ng mga dalubhasa sa Biblia at ng mga pinunong pari, kaya't naghanap sila ng paraan kung paano nila Siya papabagsakin. Takot kasi sila sa Kanya dahil lahat ng tao ay hangang-hanga sa pagtuturo Niya.
[11:19] At nang sumapit na ang gabi ay umalis na Siya palabas ng lungsod.
[11:20] At kinaumagahan, habang naglalakad, nakita nila yung puno ng igos na natuyo na mula sa mga ugat nito.
[11:21] At nang maalala ni Pedro ay sinabi nito sa Kanya, "Guro, tingnan Niyo! Ang puno ng igos na sinumpa Niyo ay natuyo."
[11:22] At pagsagot ni Jesus ay sinabi Niya sa kanila, "Taglayin niyo ang pananalig ng Diyos.
[11:23] Dahil sinasabi Ko sa inyo ang totoo na sinumang magsabi sa bundok na ito, 'Matanggal ka at malagay ka sa gitna ng dagat!' at di siya nag-alinlangan sa kaibuturan ng puso niya, kundi ay naniwala siya na ang sinasabi niya ay nagaganap, mangyayari sa kanya ang anumang sinabi niya.
[11:24] Dahil dito ay sinasabi Ko sa inyo na sa lahat ng pagkakataon, gaano man karami ang hinihiling niyo sa pananalangin, maniwala kayo na tinatanggap niyo na, at iyon nga'y mapapa sa inyo.
[11:25] At kapag tumayo kayo para manalangin, magpatawad muna kayo kung mayroon kayong anumang hinanakit laban sa kanino man, para rin ang Ama niyo na nasa kalangitan ay patawarin kayo sa mga pagkukulang niyo.
[11:26] Pero kung di kayo nagpapatawad, hindi rin magpapatawad ang Ama niyo na nasa kalangitan sa mga pagkukulang niyo."
[11:27] At bumalik uli sila sa Jerusalem. At habang naglalakad Siya sa loob ng templo, naglapitan sa Kanya ang mga pinunong pari, at ang mga dalubhasa sa Biblia, saka ang mga punong-lingkod.
[11:28] At sinabi nila sa Kanya, "Sa kaninong kapangyarihan ginagawa Mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa Iyo ng karapatang ito para gawin Mo ang mga bagay na ito?"
[11:29] At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, "Tatanungin Ko rin kayo tungkol sa isang paksa at kapag nasagot niyo Ako ay sasabihin Ko rin sa inyo sa kaninong kapangyarihan Ko ginagawa ang mga bagay na ito.
[11:30] Ang Paglulublob ni Juan, mula ba ito sa langit, o mula sa mga tao? Sagutin niyo Ko."
[11:31] At nagdiskusyon sila sa isa't isa. Sabi nila, "Kung sasabihin natin na 'Mula sa Langit', sasabihin Niya, 'Eh kung ganun, ano ang dahilan bakit di kayo naniwala sa kanya?'
[11:32] Pero kung sasabihin nating, 'Mula sa mga tao...'" Takot naman sila sa mga tao dahil lahat ay itinuturing si Juan bilang isang tunay na propeta.
[11:33] At pagsagot ay sinabi nila kay Jesus, "Hindi namin alam." Kaya't pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, "Hindi Ko rin sasabihin sa inyo sa kaninong kapangyarihan Ko ginagawa ang mga bagay na ito."
[12:1] At nagsimula Siyang magsalita sa kanila gamit ang mga talinghaga: "May isang taong nagtanim ng ubasan, at naglagay siya dito ng bakod, tapos ay naghukay siya ng pisaan ng ubas, at nagtayo siya ng isang torre. Pagkatapos ay ipinagkatiwala niya ito sa mga magbubukid at siya ay nangibang-bansa.
[12:2] At pagdating ng panahon ay nagpadala siya ng alipin papunta sa mga magbubukid para mula sa kanila ay matanggap niya ang mula sa inani sa ubasan.
[12:3] Pero sinunggaban nila ito, binugbog nila, at pinaalis na walang kadala-dala.
[12:4] At nagpadala uli siya papunta sa kanila ng isa pang alipin. Ito rin ay binato nila, hinampas sa ulo, at pinalayas matapos pahiyain.
[12:5] At muli siyang nagpadala ng isa pa. Siya rin ay pinatay nila. At marami pang iba; ang iba'y binubugbog, at iba'y talagang pinapatay.
[12:6] Gayun pa man, dahil may isa siyang lalaking anak, ang pinakamamahal niya, ipinadala niya rin ito papunta sa kanila sa huling pagkakataon. Sinabi niya na, 'Igagalang nila ang anak ko.'
[12:7] Pero sinabi ng mga manggagawang iyon sa isa't isa na, 'Ito ang tagapagmana! Halikayo, patayin natin siya at mapapasa atin na ang mana.'
[12:8] At sinunggaban nila siya, pinatay at itinapon nila sa labas ng ubasan.
[12:9] Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at pagpapapatayin ang mga magbubukid, pagkatapos ay ibibigay niya ang ubasan sa iba.
[12:10] At hindi niyo ba nabasa ang Kasulatang ito, 'Batong di tinanggap ng mga nagtatayo ng gusali, ito ang siyang naging pangunahing batong-sandigan.
[12:11] Ang nangyaring ito ay mula sa Panginoon at kamangha-mangha ito sa ating paningin?'"
[12:12] At naghanda na silang damputin Siya pero takot lang sila sa mga tao, dahil alam nilang patama sa kanila ang talinghagang sinabi Niya. At nang pabayaan Siya ay umalis na lang sila.
[12:13] At nagpadala sila papunta sa Kanya ng piling mga Pariseo at ilan sa mga opisyal ni Herodes para mahuli nila Siya sa pagsasalita.
[12:14] At pagdating ng mga ito ay sinabi nila sa Kanya, "Guro, alam po naming totoo kayo at wala kayong takot patungkol sa anuman. Dahil hindi Niyo tinitignan ang panlabas na itsura ng tao sa halip ay nagtuturo sa paraan ng Diyos ng may katotohanan. Naayon po ba sa Batas na magbigay ng buwis sa Emperador o hindi?
[12:15] Dapat po ba tayong magbigay o hindi po dapat tayo magbigay? Pero dahil nalalaman Niya ang kanilang pagkukunwari, sinabi Niya sa kanila, "Bakit niyo Ako sinusubukan? Dalhan niyo Ako ng isang denaryo para matignan Ko."
[12:16] At nagdala sila nito. Pagkatapos ay sinabi Niya sa kanila, "Kanino ang mukha at ang tatak na ito?" At sinabi nila sa Kanya, "sa Emperador."
[12:17] At pagsagot ni Jesus ay sinabi Niya sa kanila, "Ibalik niyo sa Emperador ang mga bagay na para sa Emperador, at sa Diyos ang mga bagay na para sa Diyos." At namangha sila sa Kanya.
[12:18] At lumapit sa Kanya ang mga Saduseo na nagsasabing walang "Pagbangon ng mga Patay". At nang tanungin nila Siya ay nagsabing,
[12:19] "Guro, isinulat ni Moises para sa atin na kapag namatay ang isang lalaking kapatid at iwanan nito ang asawa, tapos ay wala itong naiwang anak, dapat na kupkupin ng kapatid nitong lalake ang kanyang asawa, at magtaguyod ng binhi para sa kapatid niyang lalake.
[12:20] May pitong magkakapatid at kumuha ng asawa yung panganay at namatay na walang iniwang binhi.
[12:21] Kinupkop ngayon siya ng pangalawa at namatay. Pero hindi rin ito nag-iwan ng binhi. Ganoon din ang pangatlo.
[12:22] At napangasawa siya ng pitong magkakapatid pero di nakapag-iwan ng binhi. Sa kahuli-hulihan, namatay na rin ang babae.
[12:23] Kaya naman sa panahon ng Pagbangon ng mga Patay, kapag bumangon na sila, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae gayong silang pito ay naging asawa niya?"
[12:24] Pero pagsagot ni Jesus ay sinabi Niya sa kanila, "Di ba't dito kayo nagkakamali, dahil hindi niyo naiintindihan ang Biblia ni ang kapangyarihan ng Diyos?
[12:25] Dahil kapag sila'y nagbangon mula sa mga patay, hindi na sila nagpapakasal o di kaya'y ibinibigay para ikasal, kundi sila'y katulad na ng mga anghel na nasa langit.
[12:26] Tungkol naman sa mga patay na bumabangon sila - hindi niyo ba nabasa sa loob ng aklat ni Moises sa bahagi ng mababang puno kung paano siya kinausap ng Diyos na nagsabing, 'Ako ang Diyos ni Abraham, at ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob?'
[12:27] Hindi Siya ang Diyos ng mga patay, kundi ang Diyos ng mga nabubuhay. Kaya't malaki ang pagkakamali ninyo."
[12:28] At lumapit ang isa sa mga dalubhasa sa Biblia matapos silang magtalakayan. Matapos makita kung gaano kahusay ang pagkakasagot Niya sa kanila, nagtanong ito sa Kanya, "Ano po ang pinakamahalaga sa lahat ng Kautusan?"
[12:29] At sinagot siya ni Jesus na, "Ang pinakamahalaga sa lahat ng Kautusan ay, 'Dinggin mo, Israel, ang Panginoong Diyos natin ay nag-iisang Panginoon.
[12:30] At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.' Ito ang pinakamahalagang utos.
[12:31] At ang pangalawa na kapantay nito, 'Mamahalin mo ang kapwa mo gaya ng iyong sarili.' Wala nang iba pang utos na hihigit sa mga ito."
[12:32] At sinabi sa Kanya nung dalubhasa sa Biblia, "Magaling po Guro! Naaayon po sa katotohanan ang sinabi Niyo na ang Diyos ay nag-iisa at wala nang iba pa maliban sa Kanya.
[12:33] At ang mahalin Siya nang buong puso, at nang buong kaunawaan, at nang buong kaluluwa, at nang buong lakas, at ang mahalin ang kapwa gaya ng sarili ay higit pa kaysa sa lahat ng mga sinunog na buong handog at ng mga alay."
[12:34] At nang makita siya ni Jesus na marunong siyang sumagot, sinabi Niya rito, "Hindi ka na nalalayo mula sa Kaharian ng Diyos." At wala nang nagtangkang magtanong pa sa Kanya.
[12:35] At pagsagot ni Jesus ay sinabi Niya habang nagtuturo sa loob ng templo, "Paano masasabi ng mga dalubhasa sa Biblia na ang Kristo ay anak ni David?
[12:36] Dahil sinabi mismo ni David sa pamamagitan ng Espiritu Santo, 'Sinabi ng Panginoon sa Panginoon Ko, Maupo Ka sa kanan Ko hanggang sa gawin Kong tungtungan ng paa Mo ang mga kaaway Mo.'
[12:37] Sa makatuwid, si David mismo ay tinatawag Siyang Panginoon. Kaya't paano Siya magiging anak niya?" At ang maraming taong nagkakatipon ay masayang nakikinig sa Kanya.
[12:38] At sinabi Niya sa kanila sa kalagitnaan ng pagtuturo Niya, "Mag-ingat kayo mula sa mga dalubhasa sa Biblia na mahilig maglakad suot ang magagarang damit at aliw na aliw sa mga pagbati sa gitna ng mga pampublikong pagtitipon,
[12:39] at mga pangunahing upuan sa gitna ng mga simbahan, at mga espesyal na upuan sa gitna ng mga pistahan,
[12:40] na lumalamon sa bahay ng mga balo at pakitang-gilas na nananalangin ang mga ito nang pagkahaba-haba. Tatanggapin nila ang mas mabigat na kaparusahan!"
[12:41] At pagkaupo ni Jesus sa tapat ng kabang-yaman, tinignan Niya kung paano naglalagay ng pera ang mga tao sa loob ng kabang-yaman. At maraming mayayaman ang naglalagay ng malalaking halaga.
[12:42] Pero pagdating ng isang mahirap na babaing balo, naghulog ito ng dalawang maliit na mamera na katumbas ng singko.
[12:43] At nang tawagin ang Kanyang mga alagad ay sinabi Niya sa kanila, "Sinasabi Ko sa inyo ang totoo, na ang mahirap na babaing balong ito ay naglagay ng higit pa sa lahat ng mga naghulog sa loob ng kabang-yaman.
[12:44] Lahat kasi ay naghulog lang mula sa mga sobra nila. Pero siya, sa kabila ng kanyang kahirapan, ay inilagay ang lahat ng mayroon siya, ang kabuuan ng kanyang kabuhayan."
[13:1] At habang lumalabas Siya mula sa templo, sinabi sa Kanya ng isa sa mga alagad Niya, "Guro, tignan Niyo kung anung klaseng mga bato at anung klaseng mga gusali!"
[13:2] At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanya, "Nakikita mo iyang mga naglalakihang gusali? Wala ni isang maiiwan ditong bato sa ibabaw ng isa pang bato na hindi tiyak na mabubuwag!"
[13:3] At habang Siya'y nakaupo sa ibabaw ng bundok ng mga Olibo kaharap ng templo, tinanong Siya ng sarilinan nina Pedro, at Tyago, pati ni Juan at ni Andres,
[13:4] "Sabihin Niyo po sa amin, kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito at ano po ang senyales kung kailan malapit nang matupad ang lahat ng ito?"
[13:5] At pagsagot sa kanila ni Jesus ay nagsimula Siyang magsabi, "Paganahin niyo ang inyong mga pang-unawa para di kayo maloko ninuman.
[13:6] Dahil maraming magsusulputan gamit ang pangalan Ko na magdedeklarang Ako sila, at marami silang ililigaw.
[13:7] At kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala dahil dapat lang mangyari ang mga ito, pero hindi pa ito ang katapusan,
[13:8] dahil makikipagdigmaan ang bansa laban sa bansa, at kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon din ng mga paglindol sa iba't ibang lugar, at magkakaroon ng mga taggutom at mga kaguluhan. Simula pa lamang ang mga ito ng mga paghihirap.
[13:9] Pero bantayan niyo ang isa't isa dahil dadalhin nila kayo sa gitna ng mga hukuman, at gugulpihin kayo sa loob ng mga simbahan. Bukod pa rito, patatayuin kayo sa harap ng mga gobernador at ng mga hari alang-alang sa Akin, bilang patotoo sa kanila.
[13:10] Pero ang Masayang Balita ay dapat munang maiproklama sa lahat ng mga bansa.
[13:11] At kapag dinala nila kayo para hatulan, huwag niyo munang alalahanin ni pag-isipan ng mabuti ang sasabihin niyo. Sa halip, kung anuman ang ibigay Niya sa inyo sa oras na iyon, yun ang sabihin niyo, dahil hindi naman kayo ang siyang nagsasalita, kundi ang Espiritu Santo.
[13:12] Magtataksil rin ang kapatid sa kapatid hanggang sa kamatayan, ganoon din ang ama sa anak. Ang mga anak din ay lalaban sa mga magulang at ipapapatay sila.
[13:13] At kamumuhian kayo ng lahat dahil sa pangalan Ko, pero ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas.
[13:14] Pero kapag nakita niyo ang kasuklam-suklam na magdudulot ng pagkawasak na nakatayo kung saan hindi ito dapat, na sinabi ng propetang Daniel, (unawain ng nagbabasa) sa puntong iyon lumikas papunta sa kabundukan ang mga nasa Judea.
[13:15] At huwag nang bumaba pa sa loob ng bahay ang nasa bubungan, ni pumasok pa dito para kumuha ng anuman mula sa bahay niya.
[13:16] At ang nasa bukid ay huwag nang balikan pa ang mga bagay sa likuran at kunin ang damit niya.
[13:17] Lagot rin ang mga may dinadala sa sinapupunan at ang mga nagpapasuso sa gitna ng mga araw na iyon!
[13:18] Pero ipanalangin niyo na ang paglikas niyo ay hindi mangyari sa panahon ng taglamig.
[13:19] Dahil magkakaroon sa mga araw na iyon ng isang klase ng kahirapan na ang katulad ay hindi pa nangyayari mula ng unang lalangin ng Diyos ang lahat hanggang sa kasalukuyan, at hinding-hindi na mangyayari pa.
[13:20] At kung hindi pinaikli ng Panginoon ang mga araw, ay baka wala ni isang laman ang naligtas. Pero alang-alang sa mga hinirang na Kanyang pinili, pinaikli Niya ang mga araw.
[13:21] At saka kung may magsabi sa inyo, 'Tignan mo, nandito ang Kristo!' o 'Tignan mo, nandoon!' Huwag kayong maniwala,
[13:22] dahil magsusulputan ang mga pekeng Kristo at mga pekeng propeta saka magpapakita sila ng mga senyales at nakakamanghang bagay para sila'y makapanlinlang, kung maaari, pati ang mga hinirang.
[13:23] Kaya't kayo, paganahin niyo ang inyong mga pang-unawa. Tignan niyo, sinabi Ko na sa inyo ang lahat.
[13:24] Pero sa kalagitnaan ng mga araw na iyon, pagkatapos ng kahirapang ito, magdidilim ang araw at ang buwan ay di magbibigay ng liwanag niya,
[13:25] at ang mga bituwin sa langit ay maglalaglagan at ang mga kapangyarihan sa gitna ng kalangitan ay mayayanig.
[13:26] At sa puntong iyon makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa gitna ng kaulapan ng may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.
[13:27] At sa puntong iyon ipadadala Niya ang mga anghel Niya at pagsasama-samahin Niya ang mga hinirang Niya mula sa apat na panig ng daigdig, mula sa kadulu-duluhan ng daigdig hanggang sa kadulu-duluhan ng langit.
[13:28] Ngayon, matuto kayo mula sa talinghaga ng puno ng igos: Kapag ang tangkay nito ay naging malambot na at sumisibol na ang mga dahon, alam niyo na ang tag-araw ay malapit na.
[13:29] Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong dumarating na ang mga bagay na ito, alam niyo na ito ay malapit na, nasa mga pintuan na.
[13:30] Sinasabi ko sa inyo ang totoo, na ang generasyong iyon ay hinding-hindi mauubos hangga't lahat ng mga bagay na ito ay maisakatuparan.
[13:31] Ang langit at ang lupa ay maglalaho, pero ang mga salita Ko ay hinding-hindi maglalaho.
[13:32] Pero patungkol sa araw at sa oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit pa ang mga anghel na nasa langit o ang Anak, kundi ang Ama.
[13:33] Mag-ingat, magbantay at manalangin kayo, dahil hindi niyo alam kung kailan ang itinakdang panahon.
[13:34] Parang isang tao na nang mangibang bansa ay iniwan ang bahay niya at ibinigay sa mga alipin niya ang kapangyarihang mamahala, at ang trabaho ng bawat isa sa kanila, at inutusan ang gwardia na magbantay.
[13:35] Kaya't magbantay kayo dahil hindi niyo alam kung kailan darating ang may-ari ng bahay - kung sa gabi, o sa hatinggabi, o sa pagtilaok ng manok, o sa umaga,
[13:36] Kundi, baka sa bigla niyang pagdating, ay maabutan niya kayong natutulog.
[13:37] At ang sinasabi Ko sa inyo ay sinasabi Ko sa lahat, Magbantay kayo.
[14:1] At matapos ang dalawang araw ay Pista na ng Paskua at ng Tinapay na Walang Lebadura. Naghahanap pa rin ng paraan ang mga pinunong pari at ang mga dalubhasa sa Biblia kung paano Siya huhulihin sa mapanlinlang na paraan para maipapatay Siya.
[14:2] Pero sinabi nila, "Huwag sa kalagitnaan ng pista, kung hindi ay magkakaroon ng kaguluhan mula sa mga tao."
[14:3] Samantala, habang Siya ay nasa Bethany at Siya'y nakaupo sa loob ng bahay ni Simong alyas ketongin, may isang babae ang nagpunta doon na may dalang alabastrong lalagyan ng purong langis ng Nardo na napakamahal. At matapos basagin ang alabastrong lalagyan ay ibinuhos ito sa tuktok ng ulo Niya.
[14:4] At may mga ilan doon ang naghimutok sa kani-kanilang mga sarili at nagsabing, "Para saan ang ginawang pagsasayang ng pabangong ito?
[14:5] Dahil pwede pa iyang mabili ng higit sa tatlong daang denaryo at maipamahagi sa mga mahihirap." At pinagalitan nila ang babae.
[14:6] Pero sinabi ni Jesus, "Hayaan niyo siya. Bakit niyo siya hinuhusgahan ng masama? Gumawa siya ng isang magandang bagay para sa akin.
[14:7] Dahil lagi kayong may kasama na mahihirap at kaya niyo silang gawan ng kabutihan kahit kailan niyo gusto, pero hindi niyo Ako laging kasama.
[14:8] Ibinigay niya ang mayroon siya. Pumunta siya rito ng mas maaga sa inaasahan para pahiran ng langis ang Aking katawan para sa libing.
[14:9] Sinasabi ko sa inyo ang totoo, itong ginawa niya ay mababanggit rin saan man ipangaral ang Masayang Balitang ito sa buong mundo bilang paggunita sa kanya."
[14:10] At si Judas na Iscariote, isa sa Labindalawa, ay umalis papunta sa mga pangulo ng kaparian para ipagkanulo Siya sa kanila.
[14:11] At nagdiwang sila nang malaman ito at nangako silang bibigyan siya ng pabuya. At nag-isip na siya ng magandang pagkakataon para maipadampot Siya.
[14:12] At sa unang araw ng Tinapay na Walang Lebadura, kung kailan kinakatay nila ang kordero ng Paskua, sinabi sa Kanya ng mga alagad Niya, "Saan Niyo po gustong pumunta nang makapaghanda kami para makakain Kayo sa Paskua?"
[14:13] At nagpadala Siya ng dalawa sa mga alagad Niya at sinabi Niya sa kanila, "Pumunta kayo sa gitna ng lungsod at may sasalubong sa inyong lalaki na may bitbit na isang bangang tubig. Sumama kayo sa kanya.
[14:14] At kung saan man siya pumasok, sabihin niyo sa may-ari ng bahay na sinasabi ng Guro, 'Nasaan na ang kwartong pambisita kung saan Ako kakain ng Paskua kasama ng mga alagad Ko?'
[14:15] At ipapakita niya sa inyo ang malaking kwarto sa itaas na kumpleto sa gamit at handa na. Doon kayo maghanda para sa atin."
[14:16] Kaya't umalis ang mga alagad Niya at pumunta sa gitna ng lungsod. At natuklasan nila tulad ng pagkakasabi Niya sa kanila at naghanda sila para sa Paskua.
[14:17] At pagdating kinagabihan, nagpunta Siya roon kasama ang Labindalawa.
[14:18] At habang sila'y nakaupo at kumakain, sinabi ni Jesus, "Sinasabi Ko sa inyo ang totoo na isa sa inyo na kasama Kong kumakain ay magtataksil sa Akin."
[14:19] At sila'y nagsimulang mabagabag, at isa-isang nagsabi sa Kanya, "Ako po ba?", gayun din ang iba, "Ako po ba?"
[14:20] At pagsagot ay sinabi Niya sa kanila, "Isa mula sa Labindalawa na kasama Kong sumasawsaw sa ibabaw ng plato.
[14:21] Totoong papanaw ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa Kanya, pero lagot naman ang taong iyon na kinasangkapan sa pagpapadampot sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon kung hindi na siya ipinanganak pa."
[14:22] At habang kumakain sila, kumuha ng tinapay si Jesus, matapos pagpalain ay pinaghati-hati Niya, tapos ay ibinigay sa kanila at sinabi, "Kunin niyo, kainin niyo. Ito ang katawan Ko."
[14:23] At pagkuha sa baso ay nagpasalamat. Ibinigay Niya sa kanila at uminom silang lahat mula roon.
[14:24] At sinabi Niya sa kanila, "Ito ang dugo Ko para sa Bagong Kasunduan na ibinubuhos sa kapakanan ng nakararami.
[14:25] Sinasabi Ko sa inyo ang totoo na hinding-hindi na Ako iinom pa mula sa bunga ng ubas hanggang sa araw na iyon, kung saan iinumin ko itong bago sa loob ng Kaharian ng Diyos."
[14:26] At pagkaawit ng isang himno ay dumiretso na sila papunta sa Bundok ng mga Olibo.
[14:27] At sinabi sa kanila ni Jesus na, "Ngayong gabi, lahat kayo ay madadapa dahil sa Akin. Dahil naisulat, 'Patutumbahin ko ang pastor at magsisikalat ang mga tupa.'
[14:28] Pero pagkatapos Kong bumangon, mauuna Ako sa inyo papunta ng Galilee."
[14:29] Pero sinabi ni Pedro sa Kanya, "Kahit pa ang lahat ay madapa, hindi ako."
[14:30] At sinabi sa kanya ni Jesus, "Sinasabi ko sa iyo ang totoo na ngayong araw, sa kalagitnaan ng gabing ito, bago tumilaok ang manok ng makalawang beses ay tatlong ulit mo akong itatatwa."
[14:31] Pero mas diniinan niya ang pagsasalita, "Kung kailangang mamatay akong kasama Niyo, hinding-hindi ko Kayo itatatwa sa ano pa mang paraan!" At ganito rin ang sinabi nilang lahat.
[14:32] At dumating sila sa lugar na kung tawagin ay Getsemane. Tapos, sinabi Niya sa mga alagad Niya, "Maupo kayo dito habang nananalangin Ako."
[14:33] At isinama Niya si Pedro, at si Tyago, pati na si Juan. Pagkatapos ay nagsimula Siyang makaramdam ng matinding takot at kapighatian.
[14:34] Kaya't sinabi Niya sa kanila, "Sobra-sobra ang pagkabagabag ng kaluluwa Ko na halos ikamatay Ko! Maghintay kayo dito at magbantay."
[14:35] At pagkausad nang kaunti, dumapa Siya sa ibabaw ng lupa, at nanalangin Siya na kung maaari ay lampasan na lang Siya ng oras na iyon.
[14:36] At sinabi Niya, "Tatay, Ama, ang lahat ng bagay ay posible po sa Inyo. Alisin Niyo po ang inuming ito mula sa Akin, ngunit hindi kagustuhan Ko ang masunod, kundi ang sa Inyo."
[14:37] At bumalik Siya at natagpuan Niya silang natutulog, kaya't sinabi Niya kay Pedro, "Simon, natutulog ka na. Wala ka bang lakas na magbantay ng isang oras?
[14:38] Magbantay kayo at manalangin, nang sa ganun ay hindi kayo malagay sa gitna ng tukso. Totoong gustong sumunod ng espiritu, pero ang laman ay mahina.
[14:39] At pag-alis ay nanalangin Siyang muli tulad sa salitang sinabi Niya.
[14:40] Pero pagbalik Niya ay natagpuan sila na muling natutulog, dahil ang mga mata nila ay hirap nang dumilat at hindi nila alam ang isasagot nila sa Kanya.
[14:41] At bumalik Siya nang pangatlong beses at sinabi Niya sa kanila, "Hanggang ngayon ay natutulog at nagpapahinga pa rin kayo. Tama na. Dumating na ang oras. Tignan niyo, ipagkakanulo na ang Anak ng Tao papunta sa mga kamay ng masasama.
[14:42] Bangon na kayo! Paalis na tayo. Tignan niyo, palapit na ang magdadala sa Akin."
[14:43] At habang nagsasalita pa Siya, agad na dumating si Judas, isa sa Labindalawa, at kasama niya ang napakaraming taong may mga dalang mga sandata at batuta. Galing sila sa mga pangulo ng kaparian, at sa mga dalubhasa sa Biblia, at sa mga punong-lingkod.
[14:44] At ang nagkakanulo sa Kanya ay nagbigay ng palatandaan sa kanila na nagsabing, "Sinumang halikan ko, Siya na iyon. Dakpin niyo Siya at dalhin niyo nang maayos."
[14:45] At pagdating ay biglang lumapit sa Kanya habang sinasabi nito, "Guro, guro!" sabay halik sa Kanya.
[14:46] Kaya't sinunggaban nila Siya ng mga kamay nila at inaresto Siya,
[14:47] Pero may isa sa mga nakatayo ang bumunot ng patalim at tinaga ang alipin ng pangulo ng kaparian at natapiyas ang taynga nito.
[14:48] At pagtugon ni Jesus ay sinabi sa kanila, "Para namang pumunta kayo laban sa isang magnanakaw at may dala-dala pa kayong mga sandata at mga batuta para arestuhin Ako.
[14:49] Araw-araw niyo Kong kasama sa loob ng templo na nagtuturo at hindi niyo Ko inaresto. Pero dapat na matupad ang mga nakasulat sa Biblia."
[14:50] At tumakas silang lahat at iniwan Siya.
[14:51] At may isang binatilyong sumusunod sa Kanya na nakabalot sa linong tela ang hubad na katawan. Sinunggaban din siya ng mga binatilyong nandoon.
[14:52] Pero iniwan niya ang linong damit at hubo't hubad na tumakbo palayo sa kanila.
[14:53] At dinala nila si Jesus papunta sa pangulo ng kaparian, at nagtipon sa kanya ang lahat ng mga pinunong pari, at ang mga punong-lingkod pati na ang mga dalubhasa sa Biblia.
[14:54] At sinundan Siya ni Pedro mula sa kalayuan, hanggang sa loob papunta sa bakuran ng pangulo ng kaparian. At naupo siya kasama ng mga gwardia at siya'y nagpainit sa tabi ng liwanag.
[14:55] At ang mga pangulo ng kaparian pati ang kabuuan ng konseho ay naghanap ng testigo laban kay Jesus sa layong patayin Siya, pero wala silang makita.
[14:56] Marami kasing nagpapahayag ng mga pekeng testimoniya laban sa Kanya, pero hindi nagtutugma ang mga pahayag nila.
[14:57] At may ilan na paglapit ay nagpahayag ng pekeng testimonya laban sa Kanya na nagsabing,
[14:58] "Narinig namin na sinabi Niyang, 'Bubuwagin Ko ang templong ito na ginawa gamit ang mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo Ako ng isang hindi ginawa gamit ang mga kamay.'"
[14:59] Pero hindi pa rin nagtutugma ang mga testimonya nila.
[14:60] At pagtayo ng pangulo ng kaparian sa gitna ay tinanong niya si Jesus. Sabi niya, "Hindi Ka sumasagot sa kahit ano! Ano itong mga sinasabi nila laban sa Iyo?"
[14:61] Pero tumahimik lang Siya at di sumagot. Muli pa Siyang tinanong ng pangulo ng kaparian at sinabi sa Kanya, "Ikaw ba ang Kristo, ang Anak ng Kapuri-puri?
[14:62] Pero Sinabi ni Jesus, "Ako nga, at makikita niyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, at dumarating sa gitna ng kaulapan sa langit!"
[14:63] Kaya't pinunit ng pangulo ng kaparian ang mga damit niya sabay sinabi, "Bakit kailangan pa nating magkaroon ng mga testigo?
[14:64] Narinig niyo ang paglapastangan sa Diyos! Ano sa tingin niyo?" At silang lahat ay nagdesisyon laban sa Kanya na dapat Niyang tanggapin ang parusang kamatayan.
[14:65] At nagsimula ang ilang duraan Siya, sabay tinakpan ang mukha Niya, at inupakan Siya, saka sinabi sa Kanyang, "Magpahayag Ka ng Salita ng Diyos!" At pinagsasampal Siya ng mga gwardia.
[14:66] At habang si Pedro ay nasa ibabang palapag ng palasyo, may dumating na isa sa mga katiwalang babae ng pangulo ng kaparian.
[14:67] At nang makita si Pedrong nagpapainit doon, tinitigan niya ito at sinabi, "Ikaw rin yung kasama ni Jesus na Nazareno!"
[14:68] Pero di siya umamin at sinabing, "Hindi ko alam ni naiintindihan ang iyong sinasabi." At nagpunta siya sa labas papasok sa beranda at tumilaok ang manok.
[14:69] At pagkakita uli sa kanya ng katiwalang babae ay sinimulan nitong sabihin sa mga nakatayo na, "Ang taong ito ay mula sa kanila."
[14:70] Pero muli niya itong ikinaila at pagkatapos lang ng ilang sandali, muling sinabi ng mga nakatayo doon kay Pedro, "Totoo ngang galing ka sa kanila dahil ikaw rin ay Galileno at ang paraan ng pagsasalita mo ay kaparehas Niya."
[14:71] At nagsimula na siyang magsalita ng masama at manumpa ng ganito, "Hindi ko kilala ang taong ito na binabanggit niyo!"
[14:72] At tumilaok ang manok ng pangalawang beses kaya't naalala ni Pedro ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus na, "Bago tumilaok ang manok ng pangalawang beses ay tatlong beses mo Akong ikakaila." At nang maisip ito ay humagulgol siya.
[15:1] At kinaumagahan, agad-agad na nagpatawag ng pagpupulong ang mga pangulo ng kaparian kasama ang mga punong-lingkod, at mga dalubhasa sa Biblia pati na ng buong konseho. Pagkagapos kay Jesus ay inilabas nila Siya at dinala kay Pilato.
[15:2] At tinanong Siya ni Pilato, "Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? At pagsagot Niya ay sinabi rito, "Ikaw na ang nagsasabi."
[15:3] At naghain ng napakaraming paratang ang mga pinunong pari laban sa Kanya.
[15:4] At tinanong uli Siya ni Pilato na nagsabing, "Wala Ka bang isasagot? Tignan Mo kung gaano karami ang pinaparatang nila laban sa Iyo."
[15:5] Pero di na sumagot si Jesus, kaya't namangha si Pilato.
[15:6] Ngayon, kada pista ay nagpapalaya siya para sa kanila ng isang bilanggo, sinuman ang hilingin nila.
[15:7] At may isa na nagngangalang Barabbas, na nakakulong kasama ng iba pang nagsagawa ng rebelyon. Siya'y namaslang sa gitna ng rebelyong iyon.
[15:8] At nang magsigawan ang mga tao ay nagsimula silang humiling sa kanya kung ano ang lagi niyang ginagawa para sa kanila.
[15:9] Pero sinagot sila ni Pilato at sinabi, "Gusto niyo ba na palayain ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?"
[15:10] Alam niya kasi na ipinadakip Siya ng mga pinunong pari dahil sa inggit.
[15:11] Pero inudyukan ng mga pinunong pari ang mga tao na palayain na lang niya si Barabbas para sa kanila.
[15:12] Pero nang muling sumagot si Pilato ay sinabi sa kanila, "Ano naman ang gusto niyong gawin ko sa Kanya na tinatawag niyong Hari ng mga Judio?"
[15:13] At muli silang nagsigawan, "Ipako Siya sa krus!"
[15:14] Kayat sinabi ni Pilato sa kanila, "Ano namang kasamaan ang nagawa Niya?" Pero lalo lang lumakas ang kanilang sigawan, "Ipako Siya sa krus!"
[15:15] Pero sa kagustuhan ni Pilatong gumawa ng ikatutuwa ng mga tao, pinalaya niya si Barabbas para sa kanila at ibinigay niya si Jesus matapos hagupitin, para maipako Siya sa krus.
[15:16] At dinala Siya ng mga pulis sa loob ng kampo na kung tawagin ay Praetorion at tinawag nila ang buong batalyon.
[15:17] Pagkatapos ay dinamitan nila Siya ng mala-talong na kulay ng damit, at nang makagawa ng isang koronang tinik ay ipinutong iyon sa Kanya.
[15:18] At nagsimula silang bumati sa Kanya, "Mabuhay! Hari ng mga Judio!"
[15:19] At pinukpok nila Siya sa ulo gamit ang isang tambo, tapos ay dinuraan Siya, at pagluhod ay sinamba nila Siya.
[15:20] At habang pinaglalaruan nila Siya ay tinanggal nila ang kulay talong na damit mula sa Kanya, at isinuot sa Kanya ang mga damit na pag-aari Niya, at inilabas nila Siya para ipako Siya sa krus.
[15:21] At may isang Simon na taga Cyrene na dumating mula sa lalawigan at napadaan lang doon. Siya ang ama nila Alexander at Rufus. Pinilit nila ang taong ito para bitbitin ang Kanyang krus.
[15:22] At dinala nila Siya sa lugar na kung tawagin ay Golgotha, ang ibig sabihin ay, "Lugar ng Bungo."
[15:23] At binigyan nila Siya ng katas ng ubas na hinaluan ng mira para inumin, pero di Niya ito tinanggap.
[15:24] At nang maipako Siya ay pinaghatian nila ang mga damit Niya. Nagbunutan pa sila para malaman kung kanino mapupunta ang mga ito.
[15:25] At alas nuebe ng umaga noon nang maipako Siya sa krus.
[15:26] At ang pamagat ng hatol sa Kanya na isinulat ay, "ANG HARI NG MGA JUDIO."
[15:27] At may dalawang magnanakaw pa silang ipinako kasama Niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa Niya.
[15:28] At natupad ang nakasulat sa Biblia na sinasabi, "At Siya'y napabilang kasama ng mga salarin."
[15:29] At ang mga dumadaan ay iniinsulto Siya na umiiling at sinasabi, "Aha, ang taong wawasak sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw!
[15:30] Iligtas Mo kaya ang sarili Mo at bumaba Ka mula sa krus!"
[15:31] At sa ganitong paraan rin ang mga pinunong pari ay nagtawanan sa isa't isa kasama ng mga dalubhasa sa Biblia na nagsabing, "Niligtas Niya ang iba pero di Niya kayang iligtas ang sarili Niya?
[15:32] Siya ngayon ay bumaba mula sa krus para masaksihan natin at manampalataya tayo sa Kristo, ang Hari ng Israel!" Ininsulto rin Siya ng mga kasamahan Niyang nakapako.
[15:33] At pagdating ng tanghaling tapat ay naging madilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang alas tres ng hapon.
[15:34] At pagdating ng alas tres ng hapon ay sumigaw si Jesus ng malakas habang sinasabi, "Eloi, Eloi, lama sabaktani?" na ibig sabihin ay, "Diyos Ko, Diyos Ko, ano ang dahilan bakit Niyo po Ako pinabayaan?"
[15:35] At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo doon, sinabi nila, "Tignan mo, tinatawag Niya si Elias."
[15:36] Pero may isang tumakbo at pinuno ng suka ang espongha, pagkatapos ay ikinabit ito sa isang sanga ng halaman na ipinainom sa Kanya habang sinasabi, "Hintayin niyo at tignan natin kung dadating si Elias para kunin Siya."
[15:37] At pagsigaw ni Jesus ng malakas ay nalagutan na Siya ng hininga.
[15:38] At nahati sa dalawa ang kurtina ng Templo mula sa tuktok hanggang sa pinakaibaba.
[15:39] At nang masaksihan ng opisyal ng kapulisan na nakatayo sa harap Niya, kung paano Siya sumigaw at nalagutan ng hininga, sinabi nito, "Totoong ang Taong ito ay anak ng Diyos!"
[15:40] At mayroon ding mga babaing nanonood sa kalayuan. Kabilang rin sa mga ito ay sina Maria na taga Magdala, at si Mariang ina ni Tyago (na mas bata) at ni Jose, at si Salome.
[15:41] Sila din ay kasakasama Niya noong Siya'y nasa Galilee at naglilingkod sila sa Kanya, at marami pang iba ang kasama Niyang umakyat papuntang Jerusalem.
[15:42] At nang sumapit na ang gabi, iyon kasi ay araw ng paghahanda, isang araw bago ang Pamamahinga,
[15:43] dumating si Joseng taga Arimatea, isang kagalang-galang na senador. Siya mismo ay nag-aabang rin sa Kaharian ng Diyos. Naglakas loob siyang puntahan si Pilato at hiniling niya ang katawan ni Jesus.
[15:44] At di makapaniwala si Pilato na talagang patay na Siya, kaya't nang tawagin ang opisyal ng kapulisan ay tinanong niya ito kung matagal na Siyang patay.
[15:45] At nang malaman ito mula sa opisyal ng kapulisan, ibinigay niya ang katawan kay Jose.
[15:46] At pagdala ng mamahalin na telang lino at nang maibaba na Siya ay binalot Siya ni Jose gamit ang telang lino at nilagay Siya sa loob ng libingang inukit mula sa isang malaking bato. Tapos ay pinagulong ang isang bato sa tapat ng pasukan ng libingan.
[15:47] At si Maria na taga Magdala at Mariang ina ni Jose ay nakita kung saan Siya nakahimlay.
[16:1] At nang lumipas na ang Pamamahinga, bumili ng mga pabango sina Maria na taga Magdala at Mariang ina ni Tyago pati na si Salome, para pagbisita ay mapahiran nila Siya.
[16:2] At maagang-maaga pa, sa unang araw ng linggo ay lumakad na sila papunta ng libingan habang sumisikat palang ang araw.
[16:3] At sinabi nila sa isa't isa, "Sino ang mag-aalis para sa atin ng bato mula sa pasukan ng libingan?"
[16:4] Pero pagtingin ay nakita nilang naigulong na ang bato: napakalaki kasi nito.
[16:5] At pagpasok sa loob ng libingan ay nakita nila ang isang binatilyong nakaupo sa bandang kanan, na nakasuot ng maputing damit na abot sa paa ang haba. At sila'y nagulat.
[16:6] At ang sabi niya sa kanila, "Huwag kayong magulat. Hinahanap niyo si Jesus ang Nazareno na napako sa krus. Bumangon Siya. Wala na Siya rito. Tignan niyo ang lugar kung saan nila Siya ipinatong.
[16:7] Pero pag-uwi niyo ay sabihin niyo sa mga alagad Niya at kay Pedro na mauuna Siya sa inyo sa loob ng Galilee. Doon niyo Siya makikita gaya ng sinabi Niya sa inyo.
[16:8] At ng makalabas ay dali-dali silang umalis mula sa libingan. At kinasihan sila ng takot na may kasamang pagkamangha kaya't hinding-hindi sila nakapagsalita dahil sa takot nila.
[16:9] Ngayon, pagkabangon ng umaga sa unang araw ng linggo, nagpakita Siya una kay Maria na taga Magdala, kung saan nakapagpalayas Siya ng pitong demonyo.
[16:10] Pag-alis nito roon ay ipinamalita nito sa mga naging kasamahan Niya na nagluluksa at nag-iiyakan.
[16:11] At nang marinig nila na buháy Siya at nagpakita sa kanya, hindi sila naniwala.
[16:12] At pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakita Siya sa dalawang kasamahan nila sa ibang itsura habang sila'y naglalakad papuntang lalawigan.
[16:13] At sila, nang makaalis, ay sinabi ito sa mga naiwan, pero di pa rin sila naniwala sa mga ito.
[16:14] Pagkatapos, nagpakita Siya sa labing-isa habang sila'y kumakain, at tinuligsa Niya ang kanilang di paniniwala at katigasan ng puso, dahil di sila naniwala sa mga nakakita sa Kanyang nagbangon.
[16:15] At sinabi Niya sa kanila, "Pumunta kayo sa lahat ng sulok ng daigdig at iproklama niyo ang Masayang Balita sa lahat ng nilikha.
[16:16] Ang manalig at magpalublob ay maliligtas, pero ang di manalig ay hahatulan ng walang hanggang kaparusahan.
[16:17] At ang mga senyales na ito ay susunod sa mga nanalig: sa pamamagitan ng pangalan Ko ay magpapalayas sila ng mga demonyo; magsasalita sila gamit ang mga kakaibang lenguwahe;
[16:18] Dadampot sila ng mga ahas at kung uminom sila ng anumang nakamamatay, hinding-hindi sila nito masasaktan; ipapatong nila ang mga kamay sa mga may sakit at bubuti ang kalagayan ng mga ito.
[16:19] Kaya't matapos nga silang kausapin ng Panginoon, kinuha na Siya papuntang langit at naupo Siya sa kanan ng Diyos.
[16:20] At nang makaalis ang mga ito ay nangaral sila sa lahat ng lugar. Ang Panginoon ang kasamang tumutulong at nagpapatunay sa Salita sa pamamagitan ng mga senyales na sumusunod. Amen.